Natimbog ng Philippine Drug Enforcement Agency ang anim na katao sa buy-bust operation sa isang condo unit, na umano’y ginawang drug den, at nasamsam ang P740,000 halaga ng shabu, sa Mandaluyong City, Sabado ng umaga.
Arestado sina Dustin Nolan Catolico, umano’y nagmamantine ng drug den; Meriel Companero Villariva, dentistry student; Carla Ysabel Guevarra Kerr; Yves Kenthanzel Ng Angeles; Rodel Zaragosa Camarillo; at Ilah Tulino Dalimbang.
Base sa ulat, dakong 2:00 ng umaga nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-Special Enforcement Services at Mandaluyong City Police ang buy-bust operation sa isang condo tower sa lungsod.
Nabatid sa imbestigasyon na isang PDEA agent ang nagpanggap na bibili ng shabu, at nang magkaabutan na ay saka sinalakay ng mga awtoridad ang lugar.
Isang linggo umanong minanmanan ng PDEA ang lugar bago isinagawa ang operasyon.
Narekober mula sa mga suspek ang siyam na sachet ng shabu, na nagkakahalaga ng P740,000, at drug paraphernalia.
Jun Fabon