Dalawang linggo mula ngayon ay inaasahang bubuksan na sa mga motorista ang halos apat na kilometrong bahagi ng Metro Manila Skyway Stage 3, ayon sa Department of Public Works and Highways.
Sa surprise inspection ngayong Biyernes sa patuloy na ginagawang proyekto, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na inaasahang matatapos na ngayong buwan ang pagpapatayo ng Plaza Dilao ramp.
“Construction of Skyway Stage 3 is in full blast. We are working 24/7 to deliver the infrastructure this July,” sabi ni Villar.
Tiniyak ng kalihim na ngayong taon ay tuluyan nang magagamit ang nasabing proyekto, na mag-uugnay sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
“Section 1 from Buendia Avenue in Makati City to Quirino Avenue in Nagtahan, Manila is now 83 percent completed while Section 3 from Ramon Magsaysay Avenue to Balintawak is 81 percent completed,” ani Villar.
Minamadali rin aniyang tapusin ang iba pang bahagi nito mula Buendia hanggang Balintawak upang maabot ang target completion date nito sa unang bahagi ng 2020.
Ang 18.68-kilometrong elevated expressway ng Metro Manila Skyway Stage 3 ay mag-uugnay sa Buendia, Makati City hanggang Balintawak, Quezon City.
Layunin nito na gawing 20 minuto na lang ang dating dalawang oras na biyahe sa nasabing distansiya.
-Betheena Kae Unite