NAPANSIN kamakailan ng ilang Pinoy viewers na ginamit ang wikang Tausug, isa sa mga wika ng bansa na sinasalita sa probinsiya ng Sulu, sa ongoing Korean series na Arthdal Chronicles.
Nagsimula ang usap-usapang patungkol dito, matapos lumabas sa eighth episode ng serye bilang isa sa mga miyembro ng Wahan tribe, ang Filipino artist na si Nash Ang.
Gayunman, sa pinakabagong episode kamakailan, maririnig si Nash na nagsasalita ng wikang Tausug habang humihingi ng pagkain at tubig.
Sa isang Facebook post ni Nash nitong Hunyo 30, ibinahagi niya ang isang screen capture ng komento ng mga viewers.
“So some Arthdal Chronicles viewers just noticed that one of indigenous languages from the Philippines is featured in this Korean drama. “TAUSUG” is one of the languages spoken by Wahan tribe,” caption niya.
Mababasa sa komento ang: “That language at 3:36 is our language! Tausug! haha”
Reply ng isa: “Was it really Tausug? I was surprised. I thought I misheard the words. Of all languages, they chose a Fil dialect. Amazing.”
Naka-set ang fantasy drama sa sinaunang panahon, na nagpapakita ng pagsilang ng isang sibilisasyon sa fictitious land ng Arth, at tumatalakay sa mga mythical heroes at ang kanilang pagsisikap tungo sa hinahangad nilang kapangyarihan, pag-ibig at pagkakaisa.
Bumibida sa serye ang ilang sikat na Korean star, kabilang sina Jang Dong-gun, Song Jong-ki , at Kim Ji-won.
“Kahit I often portray small roles, I’m still thankful kasi that’s more than enough opportunity for a Pinoy to part ng Korean entertainment. Isipin mo may nagta-Tagalog pala sa Korean drama,” pagbabahagi pa ng pinoy sa kanyang post.
Si Nash Ang ay isang social entrepreneur na may mahigit 15 taong karanasan sa digital marketing at community management. Ilang organisasyon na ang kanyang itinatag na layong mapagkaisa ang mga overseas Filipinos at suportahan ang mga rural communities sa Pilipinas. Isa rin siyang film director at producer na nasa likod ng ilang award-winning documentaries at socially relevant films.
Noong 2010, nagwagi ang kanyang pelikula na Best Film sa 1st South East Asian Documentary Awards sa Thailand. Habang sa kaparehong taon din niya nakuha ang Grand Prize ng ASEAN-Korea Multimedia Competition sa South Korea.
Nanalo na rin siya bilang Best Director sa 13th Pyongyang International Film Festival 2012 sa Pyongyang, North Korea. Ang kanyang documentary na Paraiso ang nagwagi naman na Best Film Award sa 21st Cine Eco Film Festival 2015 sa Portugal.
-Stephanie Marie Bernardino