May 22, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro kay VP Sara: 'Lahat ng kasalanan sa mundo, isisisi niya sa Pangulo!'

Usec. Castro kay VP Sara: 'Lahat ng kasalanan sa mundo, isisisi niya sa Pangulo!'
Photo courtesy: RTVM/YT, Inday Sara Duterte/FB


Niresbakan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Vice President Sara Duterte matapos nitong iugnay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa nagaganap na impeachment proceedings laban sa kaniya.

Kasunod ito ng binitawang alegasyon ni VP Sara kaugnay sa umano’y pagsuporta ni PBBM sa mga paratang ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa kaugnayan niya sa umano’y pangungulimbat ng bilyon-bilyong salapi.

MAKI-BALITA: 'Malinis ang aking service record!' VP Sara, sinabon mga paratang sa kaniya-Balita

“Wala naman po tayong maaasahang magandang salita na manggagaling sa Bise Presidente patungkol sa ating Pangulo,” saad ni Usec. Castro sa kaniyang pakikipanayam sa programang Balitanghali nitong Biyernes, Abril 24.

Giit niya, “Lahat na lang ng kasalanan sa mundo ay isisisi niya sa Pangulo.”

Anang press officer, kahit ang mga umano’y extrajudicial killings (EJK) ay isisisi pa rin ng Bise Presidente kay PBBM.

“Pati ‘yong mga EJK na ginawa ng kaniyang ama diumano, ay isinisisi niya pa rin sa Pangulo,” anang press officer.

Aniya, “Ang nangyayari sa kanila, ang sisisihin niya po ay ang Pangulo—at ‘yan po naman ay wala pong kinalaman kung ang transaksyon po na ito ay [noong] dati pa siyang mayor, dati siyang vice mayor, wala pa po sa posisyon bilang Presidente si Pangulong Marcos, Jr.”

“So ‘yong mga transaksyon na umikot at naipakita po ng AMLC na bilyon-bilyong piso, hindi naman po kasama ang Pangulo sa transaksyong kaniyang pinapalooban. So papaano magiging kasalanan ng Pangulo ito?” pagtatapos niya.

Samantala, wala pang inilalabas na komento si VP Sara kaugnay sa mga binitawang pahayag ni Usec. Castro patungkol sa kaniya.