ANIMNAPU’T siyam na taon na ang nakalilipas, nasa higit 7,000 Pilipinong sundalo ang pinadala sa Korea sa upang makipaglaban sa Korean War.

Kabilang dito ang namayapang asawa ni Leticia Tamayo Collado at Victoria Tuscano. Ang kanilang mga asawa, na nakaligtas sa digmaan ay kabilang sa mga kinilala para sa kanilang katapangan at pagsasakripisyo.

Ngayon sa huling bahagi ng kanilang buhay, patuloy ang pagkilala sa mga asawa nina Collado at Tuscano. Kamakailan lamang, nagtungo sila sa Cultural Center of the Philippines upang dumalo sa Peace Concert na inihanda ng pamahalaan ng Korea at Pilipinas bilang pagpaparangal sa mga bayani ng Korean War.

Hangad din ng “Korean War Memorial Peace Concert” na maipaalam sa mga kabataan ang tungkol sa sakripisyo ng mga sundalo na nag-ambag ng malaki sa kapayapaang tinatamasa sa kasalukuyan.

“More than 7,000 Filipino soldiers came to South Korea to defend its freedom and democracy. I strongly believe that this Korea will not be enjoying its freedom and economic prosperity without the noble and great sacrifice of the Filipino people and veterans. Indeed, they deserve the title of a hero,” pahayag ni South Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-mansa kanyang talumpati.

Aniya, kailangang malaman ng susunod na henerasyon ang kahalagahan ng kalayaan at kabayanihan ng mga beterano.

At bilang pagpupugay sa mga bayani, nag-organisa ang Embassy of the Republic of Korea in the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, Ministry of Patriots and Veterans Affairs, at The Patriotic Cultural Association of Korea nang isang Peace Concert noong Hulyo 25.

Ayon kay Han, ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang Peace Concert sa bansa, bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng ika-70 taong ugnayan ng Pilipinas at South Korea.

Sinabi ni Collado, na patuloy ang pagtulong ng pamahalaan ng Korea sa mga pamilya ng mga Pilipinong beterano. Nakapatapos, din aniya, ang kanyang anak ng dentistry sa suporta ng pamahalaan ng Korea.

Samantala, kabilang sa mga nagtanghal sa konsiyerto ang Philippine Philharmonic Orchestra at ang Seocho Philharmoniker of Korea. Kabilang sa kanilang itinanghal ang “Bimok”, isang Korean folk song bilang pagpupugay sa mga Korean War veterans, at ang “boating song” at “Arirang Fantasy”.

PNA