Mahigit 260 Marcos loyalists ang nabiktima ng food poisoning sa selebrasyon ng 90th birthday ni dating First Lady Imelda Marcos, sa isang sports complex sa Barangay Oranbo, Pasig City, ngayong Miyerkules ng tanghali.

FOOD POISONING? Isinakay ng rescue team sa plastic na upuan ang isang matandang babae, para maisakay sa ambulansiya at madala sa ospital, na kabilang sa 261 na sinasabing nalason sa kinain sa 90th birthday celebration ni dating First Lady Imelda Marcos sa Ynares Sports Arena sa Pasig City, ngayong Miyerkules ng tanghali. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

FOOD POISONING? Isinakay ng rescue team sa plastic na upuan ang isang matandang babae, para maisakay sa ambulansiya at madala sa ospital, na kabilang sa 261 na sinasabing nalason sa kinain sa 90th birthday celebration ni dating First Lady Imelda Marcos sa Ynares Sports Arena sa Pasig City, ngayong Miyerkules ng tanghali. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

Batay sa ulat ng Pasig City Police, na nakarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong 11:51 ng tanghali nang mangyari ang insidente sa Ynares Sports Complex, sa may Shaw Boulevard, Bgy. Oranbo.

Dakong 5:00 ng hapon nang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque na 261 na ang naospital sa insidente.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Ayon kay Richard Pua, chairman ng Bgy. Oranbo, noong Hulyo 2 pa ang kaarawan ng dating Unang Ginang ngunit kahapon lang ito ipinagdiwang, kasama ang may 2,500 loyalista at supporters ng pamilya Marcos.

Dumalo rin umano sa selebrasyon sina Senator Imee Marcos at dating Senador Bongbong Marcos.

Magtatanghali nang namahagi ng mga packed lunch, na kaagad namang kinain ng mga bisita.

Gayunman, ilang minuto lang ang nakalipas ay kaagad na nakaramdam ng pagkahilo, nanakit ang mga tiyan at nagsusuka ang mga bisita.

ADOBONG MANOK

“Marami po [ang nabiktima], kasi daan na po ang report sa akin. Nasa 200 na po yata ang mga na-food poison,” sinabi ni Pua sa isang panayam sa radyo, nang tanungin sa bilang ng mga biktima.

“‘Yung iba daw po ay severe (poisoning), at ang iba naman ay mild lang po,” dagdag pa ng kapitan.

Mabilis namang nilapatan ng lunas ang mga biktima, habang ang ilan ay kinailangang isugod sa ospital.

Hindi pa naman matukoy kung saan galing ang pagkain na naging sanhi ng food poisoning, dahil sa dami umano ng mga nag-sponsor para sa pagtitipon.

Gayunman, sinabi ni Pua na ang unang inihain sa mga bisita ay packed lunch na adobong manok, na may itlog at patatas, at kaagad nagreklamo ng pagsama ng pakiramdam ang mga nakakain nito.

IBA NA ANG LASA

Ayon naman sa ilang biktima, iba na ang lasa ng manok nang kainin nila, hanggang sa sumama na nga ang kanilang pakiramdam.

Kaagad namang inihinto ang pamamahagi sa nasabing pagkain, ayon kay Pua.

MALASADONG ITLOG

Sa pahayag naman ni Health Secretary Duque, sinabi niyang ang malasadong itlog sa adobo ang tinitingnan nilang posibleng sanhi ng food poisoning.

Nabatid na karamihan sa mga nabiktima ay senior citizens, habang may isa pa na anim na buwang buntis, at isang babae ang nawalan ng malay dahil sa labis na pagkahilo, habang binibigyan ng first aid ng Philippine Red Cross (PRC) at iba pang mga rescue teams mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Kinumpirma naman ni PRC Chairman, Sen. Richard Gordon na 127 biktima na ang nalapatan ng paunang lunas ng PRC pa lang, at 14 sa mga ito ay isinugod sa ospital.

Sa panig naman ni Col. Rizalito Gapas, hepe ng Pasig City Police, tiniyak niyang masusing iimbestigahan ng pulisya ang sanhi ng pagkalason, at susuriin ang lahat ng pagkain sa pagtitipon.

Samantala, sa inilabas na pahayag si dating Senator Bongbong, humingi ng paumanhin ang pamilya Marcos sa mga naapektuhan ng insidente.

Tiniyak din ng dating senador na aayudahan ang mga biktima hanggang sa makalabas sa ospital ang mga ito.

-Mary Ann Santiago