“Look good, feel good.”
Ito ang isa sa maraming taglines na isinasabuhay ng maraming fashion aficionado sa pagpili at pagsusuot ng kanilang style, mula sa make-up hanggang sa kanilang “outfit of the day” o OOTD.
Dahil para sa kanila, ang fashion at style ay paaran ng self-expression at paghahayag ng kumpiyansa sa sarili at personalidad.
Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, sa pagdadamit kadalasang unang nabubuo ang first impression ng ibang tao.
Napatutunayan ito sa mga sitwasyon tulad ng job interviews, blind dates, o kaya’y sa unang araw ng klase.
Ngunit bukod sa style ng damit, malaking bagay din ang kulay nito dahil sa hawak nitong kahulugan sa sikolohiya, na nakaaapekto sa mood, pananaw, at performance ng magsusuot nito.
Ang kulay ng damit ay nagsisilbing “trigger” ng iba’t ibang physiological reactions:
Autonomic Nervous System
Sa ilalim nito, may mga kulay na nakakapag-stimulate ng sympathetic o energizing response o kaya’y parasympathetic o calming response.
Hormonal
May ilang kulay na nagsisilbing trigger ng cortisol o “stress hormone,” serotonin, at dopamine o “feel good hormones.”
Sa aspetong kultural, ang kulay ay mayroon ding iba’t ibang kahulugan at kasaysayan, depende sa bansa.
Bukod sa mga impormasyong ito, narito ang ilan sa kilalang psychological response sa iba’t ibang kulay:
Pula
Ito ay kinikilala na pinakamalakas na kulay dahil sa ipinapakita nitong kapangyarihan, passion, at enerhiya.
Kaya sinumang magsusuot nito ay posibleng magkaroon ng “confidence boost” at bahagyang pagtaas ng temperatura ng katawan.
Asul
Ang kulay na ito ay nangunguna sa ranggo ng “world’s favorite color” dahil nakatutulong ito na mapababa ang pagkabalisa ng isang tao, gayundin ang pagpapababa ng presyon ng dugo at tibok ng puso.
Ang nagsusuot din ng damit na kulay asul ay maaaring makita ng ibang tao bilang katiwa-tiwala at maaasahan.
Dilaw
Ang kulay dilaw ay kadalasang naididikit sa positive vibes dahil ito ay nakatutulong upang mapataas ang mood ng nagsusuot, gayundin ang kaniyang pagkamalikhain at pagiging alerto.
Para sa iba, posibleng magbigay ng impression na madaling lapitan ang indibidwal na kulay dilaw ang suot at mas mataas din ang posibilidad na madali itong tumatak sa kanilang memorya.
Berde
Ang kulay berde naman sa kabilang banda, ay nakapagpapakalma dahil ito ay kadalasang nakatutulong upang mabawasan ang stress at pagkabalisa sa mga pagkakataong kinakailangan ng high-performance.
Para sa iba, ang taong nakasuot ng damit na kulay berde ay may impression ng safety at reassurance, balance at maayos na pag-iisip.
Itim
Kahalintulad ng kulay pula, ang itim ay nag-iiwan ng malakas na impresyon sa iba dahil sa ginagawa nitong psychological boundary sa pagitan ng sarili at paligid nito.
Ang kulay itim din ay nagpapakita ng pagkakaroon ng awtoridad, focus, at determinasyon.
Puti
Panghuli, ang kulay puti ay nakapagbibigay ng impresyon ng kalinawan at mental space, kalinisan, pagiging maayos sa paligid.
Ito rin ay nakapagbibigay ng psychological sense ng bagong simula sa nagsusuot nito.