Tumirada si Senador Robinhood Padilla sa mga politiko na aniya'y dating matatapang, sa isinagawang peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Huwebes, Hulyo 2.
Bago tapusin ng INC ang kanilang three-day peace rally, nakahabol si Padilla at nakapagbigay ng mensahe.
"Marami sa ating mga kababayan, hindi ko alam… sila’y gising, sila nama’y hirap din, hindi ko alam kung bakit hindi sila nagrereklamo—nabigyan ba ng maleta?" anang Senador.
Patutsada niya sa mga politiko, "Ang dami nating politiko na dati ay matatapang. Matatapang sila pero nakalimutan nila ‘to [letter L hand sign]! Nasaan na ‘to? Nasaan?!"
Bukod dito, pinasalamatan ni Padilla ang INC dahil sa hindi pagkalimot aniya nito sa pagmamahal sa bayan.
"Alam n'yo mga kapatid, nakakalungkot ang sitwasyon ng bayan natin. Kaya ang buong sambayanang Pilipino ay nagpapasalamat sa Iglesia ni Cristo, sapakat hindi kayo nakakalimot sa pagmamahal n'yo sa bayan!" giit ng senador.
"Patuloy ang panggigising ninyo!"
Samantala, tinapos na ng INC nitong gabi ng Huwebes ang kanilang peace rally, kung saan nanawagan sila para sa transparency at accountability, at nagpahayag ng suporta kay Senador Rodante Marcoleta sa gitna ng nakaambang pag-aresto sa kaniya kaugnay ng kasong plunder.
Ang unang dalawang araw ng rally ay ginanap sa EDSA People Power Monument. Kalaunan ay inilipat ito sa Liwasang Bonifacio sa Maynila matapos bawiin ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang kanilang permit.