July 10, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Saysay ng petsang Hulyo 4 sa kasaysayan

#BALITAnaw: Saysay ng petsang Hulyo 4 sa kasaysayan
Photo Courtesy: DFA (FB)

Naipagdiwang na noong Hunyo 12 ang “Araw ng Kalayaan.” Pero minsan sa kasaysayan, Hulyo 4 ang  petsang itinakda para gunitain ang mahalagang araw na ito sa Pilipinas. 

Paano nga ba ito nangyari?

Matatandaang pagkatapos lumaya ang Pilipinas sa kamay ng mga Espanyol noong Hunyo 12, 1898, pumasok naman sa eksena ang mga Amerikano, kasunod ito ng digmaang Espanyol-Amerikano.

Sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano, kinilala ang kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946. Alinsunod ito sa sinasaad ng Tydings-Mcduffie Act na nagmamandatong bibitawan ng Amerika ang kanilang kontrol sa Pilipinas sampung taon matapos ang transitional period ng pamahalaang Commonwealth sa bansa. 

Pinirmahan ito ni US President Franklin D. Roosevelt noong Marso 24, 1934 saka ipinadala sa Senado ng Pilipinas para aprubahan.

BALITAnaw

BALITAnaw: Mga aksidente, krimeng kinasangkutan ng mga estudyante nitong Hunyo!

Kaya naman mula 1946 hanggang 1961, Hulyo 4 ang opisyal na petsa kung kailan ginugunita ang kalayaan ng Pilipinas, na sa kabilang banda ay Independence Day din ng Amerika mula sa pangongolonya ng mga British.

Ngunit nang maisabatas ang Republic Act 4166 noong 1964 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Diosdado Macapagal, nilipat mula Hulyo 4 patungong Hunyo 12 ang “Araw ng Kalayaan.”

Pinapaniwalaan kasi ng ilang historyador na ang paggunita umano sa Hulyo 4 bilang “Araw ng Kalayaan” ay manipestasyon na nakasandig pa rin ang Pilipinas sa mga Kano. Pagbabalik lang din umano ito sa kalayaang inagaw ng Amerika sa bansa noong 1899, ayon kay Aguinaldo.

Bukod dito, ayon kay Prof. Xiao Chua, “Napansin ng marami na kapag July 4 ang pagdiriwang ng Independence Day, ang mga dapat importanteng bisita natin, naroon sa pagdiriwang ng mga Amerikano. Kumbaga, nang-a-outshine ang peg.”

Sa kabila nito, hindi naman tuluyang binalewala ng gobyerno ang halaga ng Hulyo 4 sa kasaysayan ng Pilipinas. 

Sa katunayan, idineklara pa rin ito bilang “Philippine Republic Day” na kalaunan ay ginawang  "Philippine-American Friendship Day" noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.