July 26, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin: Ako ang sarap na ng buhay ko, ang ganda at bata 'yong asawa ko, pero nagtitiis ako para sa inyo

Sen. Robin: Ako ang sarap na ng buhay ko, ang ganda at bata 'yong asawa ko, pero nagtitiis ako para sa inyo
INCRadio DZEM954/Youtube screenshot

May pakiusap si Senador Robin Padilla sa mga Pilipino sa isinagawang peace rally ng Iglesia Ni Cristo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Huwebes, Hulyo 2.

"Ito pakiusap po… Gagamitin ko na lang ‘tong oras na ito para makiusap sa mga kababayan nating hindi nadalan ng maleta pero nagtutulog-tulugan," saad ni Padilla sa naturang rally, kung saan aniya nakaabot pa siya.

Binanggit ng Senador na iniisa-isa na raw sila sa Senate minority dahil sa posibilidad na humarap siya sa kasong obstruction of justice dahil sa umano'y pagtulong niya sa pagtakas kay Senador Bato Dela Rosa nito lang Mayo. 

"Iniisa-isa na po kami. Hindi magtatagal, ma-sho-shoot na naman ako. Ang katanungan na lang ngayon kung ako ba ay i-sho-shoot dito o ipadadala ako sa [The] Hague," aniya sa ikatlong araw ng rally ng INC.

Iginiit ni Padilla na mayroon umanong inilabas na warrant of arrest laban sa kaniya ang International Criminal Court (ICC) dahil sa obstruction of justice.

National

Sen Alan, tinalakang 'ang ingay, dakdak nang dakdak' sa FB live niya

Ngunit matatandaang naunang nilinaw ni Atty. Kristina Conti, ICC-accredited Assistant to Counsel, na ang pamahalaan ng Pilipinas at hindi ang ICC ang maaaring managot kay Padilla dahil sa umano'y pagtulong niya sa pagtakas ni Dela Rosa.

"Kasi ‘yong kaso ko, obstruction of justice, ang warrant of arrest galing sa ICC e. Dayuhan. Wala naman akong obstruction of justice dito… Foreign ang kaso ko. Isang malaking karangalan na rin, at least ‘di ba? Nandito tayo sa Liwasang Bonifacio—gumanap akong Bonifacio at ang kalaban ko dayuhan!" dagdag pa niya.

Kasunod nito, nakiusa ang Senador sa mga manonood. Aniya, wala umanong patutunguhan ang bansa kung hahayaan silang makulong, dahil sila umano ang nagsasabi at nakikipaglaban para sa katotohanan.

Tinanong din niya kung ano na ang mangyayari sa bansa kung makukulong ang mga tulad nila.

"Ang pakiusap ko sa mga kababayan kong nanonood… walang pupuntahan ang bayan natin kung ang mga katulad naming pinapahiwatig sa inyo kung ano ang katotohanan ay hahayaan n’yo kaming makulong. Saan pupunta ang bayang ito kung ‘yong mga nakikipaglaban para sa katotohanan e hahayaan n’yong makulong. Papano na ang bayang ito?" saad pa ni Padilla.

Ayon kay Padilla, hinikayat niya ang publiko na huwag maging makasarili. Aniya, maayos na ang kaniyang buhay at maaari naman siyang magpatuloy sa pag-aartista, ngunit pinili umano niyang magtiis para sa mga Pilipino.

"Hindi n’yo pupwedeng sabihin na: ‘Hindi, okay lang ako. Bahala na ako sa buhay ko.’ Hindi po pupwedeng gano’n," giit niya. "Dahil ako ang sarap na ng buhay ko! Ang ganda ng asawa ko, bata ‘yong asawa ko. Puwede naman akong mag-artista, ang daming leading lady! Pero nagtitiis ako para sa inyo!"

"Kaya sana mga kababayan ko, ‘wag tayong maging makasarili."

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin nagpatutsada sa INC peace rally: 'Ang dami nating politiko na dati ay matatapang!'