Nagdadalamhati ngayon ang isang ginang makaraang sa Facebook pa niya mabalitaan ang pagkasawi ng kanyang anak, na nalunod sa ilog sa Valenzuela City, nitong Lunes ng umaga.
Bandang 11:35 ng umaga nang matagpuan ang labi ni Jedrick Cajipe, 13, estudyante sa Grade 9, ng Barangay Arkong Bato, na nakalugmok sa putikan sa Polo River Wall sa may Planters Avenue, Bgy. Isla.
Labis namang nabigla si Daisy T. Cajipe nang makita sa kanyang Facebook account ang tungkol sa pagkakadiskubre sa labi ng kanyang anak, kaya dali-dali siyang nagpunta sa lugar kung saan ito natagpuan.
Napahagulhol ang ginang nang makumpirmang si Jedrick nga ang wala nang buhay sa pagkakasubsob sa burak ng ilog.
Kuwento ni Daisy, Linggo nang dumaing ang binatilyo na masakit ang tiyan at ulo, hanggang sa umalis ng bahay kinabukasan nang hindi nagpaalam kung saan pupunta.
“Nabigla po ako nang makita ko ‘yung picture ng anak ko sa Facebook kaya di ako makapaniwala,” ani Daisy.
Sa kuha sa CCTV sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng bata, kitang-kita ang pagtalon nito sa ilog.
Bandang 4:45 ng hapon nitong Lunes nang maiahon ng Valenzuela Disaster Risk and Rescue Management ang labi ng binatilyo.
-Orly L. Barcala