CEBU CITY - Nasa P8.1 milyong halaga ng hinihilang shabu ang nakumpiska mula sa isang 42-anyos, na umano’y miyembro ng isang big-time drug syndicate sa Cebu.
Arestado si Rolando Cosep sa isang buy-bust operation sa Barangay Mabolo, Cebu City bandang 3:00 ng madaling-araw,nitong Martes.
Ayon kay Lt. Col. Glenn Mayam, hepe ng Drug Enforcement Group-Visayas, 48 medium-sized na pakete ng shabu na may bigat na 1.2 kilo ang narekober sa suspek.
“He is considered a high-value target,” ani Mayam.
Aniya, sangkot ang grupo ng suspek sa bentahan ng ilegal na droga sa mga siyudad ng Talisay, Lapu-Lapu, Mandaue at Cebu.
Natukoy ang suspek matapos itong ituro bilang supplier ng droga ng isa pang drug suspect na una nang nahuli sa operasyon.
“We will conduct further investigation to identify his cohorts,”sinabi ni Mayam.
Itinanggi naman ni Cosep na isa siyang drug pusher at sinabing iniwan lamang sa kanya ng isang kaibigan ang nakuhang mga pakete ng shabu sa kanya.
-Calvin D. Cordova