LIBRE na ang pagpapaospital at pagpapagamot sa lahat ng government-run hospital sa probinsiya ng South Cotabato province mula ngayong Lunes, Hulyo 1.

Ito ang inanunsiyo ng bagong Gobernador ng lalawigan, Reynaldo Tamayo Jr., na kabilang sa mga pangako noong kampanya ang libreng hospitalization program sa lahat ng residente sa lalawigan.

“Starting Monday, we will make sure that no one will be queuing at the billing section of our hospitals because hospitalization will already be free in the province of South Cotabato,” pahayag ng bagong gobernador sa inaugural speech nito sa South Cotabato Gymnasium and Cultural Center.

Nanumpa si Tamayo bilang ikaanim na provincial governor ng South Cotabato kay Judge Lorenzo Balo sa Regional Trial Court Branch 44.

Ayon sa opisyal, sakop ng free hospitalization program ang mga residente na magpapagamot sa provincial hospital ng lalawigan at mga mga local government-run hospital sa Norala, Surallah, Tupi, at bayan ng Polomolok.

Inalala naman ni Tamayo ang pambabatikos ng kanyang kritiko tungkol sa planong free hospitalization program, na hindi naman umano maisasakatuparan dahil sa kakulangan ng pondo.

Ngunit, aniya, pinag-aralan niya ang operasyon ng mga ospital sa probinsiya at natuklasan nayang maaaring ipatupad ang programa sa tamang pamamahala.

Sa kaso ng provincial hospital, aniya, lumalabas sa datos na nasa walong porsiyento ng kita nito ay nanggagaling sa mga pasyente habang ang 92 porsiyento ay mula sa PhilHealth insurance claims sa ilalim “No Balance Billing” program.

Sinabi ni Tamayo na kayang i-subsidize ng pamahalaan ang walong porsiyento upang malibre ang buong pagpapaospital ng mga residente.

“This is not only for the indigents but for all residents. This is not impossible if we will really push for it,” aniya.

Dagdag pa ng Gobernador, ang libreng pagpapaospital ay sasabayan din nila ng pagsasaayos ng mga pasilidad ng ospital at probisyon para sa mga kakailanganing medisina, supply at makina.

Palalakasin din, aniya ng probinsiyal na pamahalaan ang “disease prevention initiatives” ng Integrated Provincial Health Office (IPHO).

“The IPHO will focus on the barangays and ensure that the full range of services will be available to our residents, especially in terms of immunization,” ani Tamayo.

PNA