NGAYONG Lunes ang opisyal na simula ng serbisyo-publiko ng lahat ng nanalo sa nakaraang eleksiyon, kaya naman kani-kaniya silang oath taking nitong Sabado hanggang kahapon.
Isa na nga ang boyfriend ni Aiko Melendez na si Zambales Vice Governor-elect Jay Khonghun sa nanumpa sa tungkulin nitong Sabado. Siyempre pa, kasama ang aktres sa oath taking ceremonies para sa bagong bise gobernador.
Ano ang pakiramdam ni Aiko na siya ang kasama ni VG Jay sa oath taking nito?
“He took his oath lang kanina (Sabado) kasabay si Governor Jun Ebdane, sila ang magka-partner. Sa oath niya (Jay) kasama ko brother niya when he took his oath of ofc, ‘Teh Reg.
“Masaya, ‘coz lahat ng hirap namin nu’ng elections nakita na namin finally! Super proud ako kay Jay Khonghun kasi alam ko deserving naman talaga siya at wala nang iba pa for vice governor. I’m sure he will make all the Zambaleños proud, too!” sagot sa amin ni Aiko.
Kamakailan ay nagdiwang ng kanyang kaarawan si VG Jay at isinelebra niya ito kasama ang kanyang lady love, kaya tinanong namin ang aktres kung ano ang regalo niya.
“Pen na Mont Blanc. Kasi unang document n’ya na sign-an (pirmahan) gusto ko ‘yung pen na ‘yun gamit niya at may naka-engrave na Vice Governor,” sabi ng aktres.
Oo nga naman, para laging maalala ni VG Jay si Aiko.
Sure nang magiging abala sila pareho sa mga susunod na araw, dahil pati pala Sabado o Linggo ay pumapasok si VG Jay, samantalang si Aiko naman ay MWF ang taping ng Kapuso seryeng Prima Donnas, habang ang Linggo naman ay inilalaan niya sa kanyang pamilya at sa dalawang anak niyang sina Andrei Yllana at Marthena Jickain.
“Oo, pero ‘yun ang gusto niya (Jay) baguhin na image ng Vice Gov. Gusto niya may ginagawa pa rin siya,” paliwanag ni Aiko.
Kaya ang tanong namin, paano ang oras nila sa isa’t isa?
“’Pag wala ako work, tsaka kami magkikita, and kapag siya also. Wala, take turns. Gagawan ng way kasi ‘di namin matitiis ang isa’t isa,” natawang sabi ng aktres.
Samantala, marami ang nagandahan sa suot niyang terno sa oath taking ni VG Jay.
“Edwin Tan gumawa ng terno ko. Magaling siya, matagal ko na siyang designer,” sabi pa ni Aiko.
-Reggee Bonoan