SASANDIGAN ng Gilas Pilipinas ang pamosong ‘Twin Towers’ nina Kai Sotto at AJ Edu para sa pinakamatangkad na nabuong National Youth Team na sasabak sa 2019 Fiba Under-19 World Cup.

May taas na 7-foot-2, ang UAAP Season 81 Juniors MVP na si Sotto, ay galing sa matikas na pagsasanay sa Atlanta, habang si Edu, 6-foot-11 Fil-Nigerian center, ay nakakuha ng karanasan sa pagsabak sa kanyang rookie season sa Toledo sa US NCAA.

Pangungunahan nila ang Gilas Youth Team na lalaban sa pinakamalalakas na koponan sa mundo sa World tilt sa Heraklion, Greece.

Kasama rin sa 12-man line up na binuo ni coach Sandy Arespacochaga sina Nazareth School of National University’s 6-foot-8 forward Carl Tamayo at Ateneo’s 6-foot-10 bruiser Geo Chiu.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Tatayong point guard ng koponan si Rome-based Dalph Panopio kasama sina Bullpups duo Gerry Abadiano at Terrence Fortea, gayundin ang mga shooters na sina James Spencer ng University of the Philippines, Xyrus Torres ng Far Eastern University-Diliman, at Migs Oczon ng NU.

Impresibo ang Gilas Youth sa tuneup laban sa Qatari team na kanilang winalis kamakailan.

Kasama rin sa koponan sina NU’s Dave Ildefonso at San Beda’s Rhayyan Amsali, habang huling sumabit sa lineup sina University of Santo Tomas forward Bismarck Lina at Letran swingman Joshua Ramirez.

Tumulak nitong Huwebes ang Gilas Youth patungong Greece matapos ang anim na araw na pagsasanay sa Doha, Qatar.

Kasama ang Philippines sa Pool C at nakatakdang harapin ang hosts Greece bukas ganap na 1:30 ng umaga sa Manila, bago mapalaban sa Argentina sa Lunes kasunod ang Russia sa Miyerkules.