Nasawi ang isang mag-ina habang sugatan ang apat pang miyembro ng kanilang pamilya makaraang lamunin ng apoy ang tinutuluyan nilang apartment sa Barangay Talipapa, sa Quezon City, bago maghatinggabi nitong Huwebes.

Base sa ulat ni Quezon City Fire Marshal Col. Jaime Ramirez, dakong 11:30 ng gabi nang lamunin ng apoy ang apartment sa Aguila Street sa Bgy. Talipapa.
Lumitaw sa imbestigasyon ni Chief Insp. Sherwin Piñafiel na nagmula ang apoy sa nakasinding kandila na natumba sa may kusina ng nasabing apartment, at mabilis na lumamon sa bahay.
Nabatid na nakulong sa kuwarto ang bed ridden na si Julieta Bulaon, 70, at anak niyang si Marissa Leaño y Bulaon, 39, na kanilang ikinamatay.
Sugatan naman sa tinamong mga sugat at lapnos sa katawan sina Pearl Dovie y Bulaon, 12, estudyante; Joel Sacdalan, 46; Renz Hige, 21; at Niel Severa, 30, na kaagad naisugod sa pagamutan.
Lumitaw pa sa pagsisiyasat ng BFP na walang kuryente sa nasabing apartment kaya kandila ang ginamit ng pamilya Bulaon nang gabing iyon.
-Jun Fabon