Tatlong sundalo ang napatay, habang siyam na iba pa ang nasugatan nang pasabugan ang kampo ng militar sa Indanan, Sulu, ngayong Biyernes ng tanghali.

BOMBING

Kinumpirma ni Major Arvin Encinas, bagong tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), sa isang panayam sa radyo na tatlong kasapi ng 1st Brigade Combat Team ng Philippine Army ang kaagad na nasawi sa pagsabog.

Hindi pa pinapangalanan ang mga nasawing sundalo, dahil hindi pa naipapaalam sa kanilang pamilya ang nangyari.

National

Asawa ni Harry Roque, nakaalis na ng bansa noon pang Setyembre – BI

Inilarawan ni Encinas na “terroristic act” ang insidente, na nangyari sa kampo sa Barangay Tanjung, Biyernes ng tanghali.

Ayon kay Encinas, nagsagawa sila ng follow-up investigation upang matukoy kung anong klase ng bomba ang ginamit ng mga suspek, at kung paanong nalusutan ang bantay-saradong kampo.

“Ang kampo naman ay open for civilian friends. 'Yan po ang inaalam natin kung paano nagkaroon ng pagsabog sa kampo,” sinabi ni Encinas sa panayam ng DZBB.

Sinabi pa ni Encinas na hindi pa natutukoy ng militar kung anong grupo ang nasa likod ng pambobomba, bagamat may hinala ang militar na ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang responsable sa nangyari.

“Itong insidente, talagang masasabi nating terroristic act. Talaga pong hindi po makatao at makatarungan considering itong gawain ay matagal nang ginagawa ng ASG,” ani Encinas.

-Martin A. Sadongdong