Limang katao ang nasugatan sa sunog sa Caloocan City, madaling araw ngayong Martes.

Nagtamo ng minor injuries sina Vilwel Salora, Cyndi Rose Manalo, Rhea Bas, Joana Ronquillo, at isang hindi nakilalang fire volunteer.
Ayon kay F/Lt. Col. Stephen Requina, Caloocan City Fire Marshall, bandang 2:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Barangay 73 ng nasabing lungsod.
Sa bahay daw ng isang Percival Amba nagsimula ang sunog, at dahil gawa sa light materials ang kabahayan, mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang iba pang bahay.
Umabot sa Task Force Alpha ang sunog at 17 fire trucks mula sa karatig lungsod ang nagresponde.
Pasado 6:00 ng umaga nang ideklarang fire out ang nasabing sunog, at umabot sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Nasa P6 milyon naman ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy, na inaalam pa ang pinagmulan.
-Orly L. Barcala