Swak sa bilangguan ang dalawang duty police auxiliaries matapos na maaresto ng mga awtoridad sa aktong nagbebenta umano ng shabu sa mga nakabilanggo sa presinto ng San Mateo Municipal Police sa Rizal, nitong Lunes ng gabi.

SOLD

Kinilala ni Rizal Police Provincial Office Director Col. Lou Evangelista ang mga naaresto na sina Joel Brabante at Erickson Llada, kapwa nasa hustong gulang at mga duty police auxiliaries sa presinto ng San Mateo Police, na nasa General Luna Street, Barangay Guitnang Bayan 1.

Batay sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), nabatid na dakong 8:35 ng gabi nitong Lunes nang maaresto ang mga suspek, matapos na makatanggap ang mga custodial officer ng presinto ng ulat mula sa isang confidential informant na magpupuslit ng shabu ang mga suspek sa loob ng kanilang custodial jail.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

Dahil dito, minanmanan ng mga pulis ang mga suspek, at kaagad na dinakma nang maaktuhan umanong nagbebenta ng ilegal na droga sa mga preso.

Narekober mula sa mga suspek ang isang P500 bill, na pinaniniwalaang drug money, habang kumpiskado rin ang isang pakete na may lamang .9 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P1,500.

Ang naturang shabu, na ibinalot pa umano ng mga suspek sa P20 bill upang maipuslit sa bilangguan, ay nakumpiska ng mga awtoridad mula sa bilanggong si Crispin Cervera, na inaresto rin ng mga awtoridad.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

-Mary Ann Santiago