Aarangkada na bukas ang pinakakaabangan na taunang “Wattah, Wattah Festival” ng San Juan City—ngunit dahil sa nararanasang water crisis sa Metro Manila, inaasahang sesentro ang aktibidad sa pagtitipid ng tubig.

WATTAH

Ayon kay outgoing San Juan City Mayor Guia Gomez, ang tradisyunal na basaan bukas ay isasagawa sa Pinaglabanan Shrine, sa halip na sa Tanghalan ng Masa.

Kailangan kasi, aniya, ng mas malaking lugar na pagdarausan ng aktibidad, dahil inaasahan nilang mas maraming taong makikilahok dito.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Dahil naman sa kakapusan ng tubig sa Metro Manila, sinabi ni Gomez na ang pagdiriwang ngayong taon ay sesentro sa pagtitipid ng tubig.

Sa pagsisimula ng selebrasyon, nagdaos ang pamahalaang lungsod ng online water conservation campaign upang ma-educate ang mga residente sa kahalagahan ng tubig.

Gagamit lang din umano ngayong taon ng 16 na truck ng tubig ang lungsod, kumpara sa 50 truck na dating ginagamit para sa kapistahan, ayon sa alkalde.

Pinalalahanan naman ni Gomez ang mga makikiisa sa selebrasyon na malinis na tubig lang ang gagamitin sa basaan.

Magpapatupad din ng liquor ban sa siyudad simula 12:01 ng umaga ng Lunes hanggang 3:00 ng hapon ng kaparehong araw.

Kaugnay nito, tiniyak ng San Juan City Police na handang-handa itong magbigay ng seguridad sa taunang selebrasyon, sa ayuda na rin ng 50 tauhan mula sa Eastern Police District (EPD).

-Mary Ann Santiago