KUMPIYANSA ang Team Philippines Mountainbike team na magagamit nilang bentahe ang mahabang paghahanda sa ruta para sa pagsabak sa 39th Southeast Asian Games sa Nobyembre sa Tagaytay City.
Inamin ni National downhill mountain bike coach Frederick Farr na kompetitibo ang mga karibal higit ang Malaysian at Indonesia, subalit ang pagiging pamilyar sa ruta ang sandigan ng Pinoy para makamit ang gintong medalya sa biennial meet sa Nov. 30-Dec. 11.
“Malaki ang pag-asa natin na maka-gold (sa SEA Games). Pipilitin natin na manalo para makapag-bigay din tayo ng karangalan sa bansa,” pahayag ni Farr sa kanyang pagbisita sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros.
“With the riders we have and the kind of training we have under the PhilCycling, headed by Cong. Bambol Tolentino, and the Philippine Sports Commission (PSC) thru Chairman Butch Ramirez, we’re very confident right now,” aniya.
Umaasa si Farr na matutularan ng kanyang tropa ang tagumpay ni Joey Barba sa 2017 Thailand SEA Games kung saan siya ring ang tumayong coach ng team.
“Sa downhill mountain bike, kinikilala na din tayong mga Pilipino kahit bagong sport ito sa atin. May takot na din ang mga kalaban,” pahayag ni Farr sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks ni Mike Atayde.
Panlaban ng bansa sa MTB sina John Derick Farr at JR Barba (men) at Lea Belgiea (women).
“As the country’s representative to the SEA Games, I will do my best,” pahayag ng nakababatang Farr, bumida na sa Asia Moutain Bike series (2015 at 2016) at bronze sa Asian Continental Championships sa Indonesia noong 2014.
“I expect to learn a lot in the ACC. Yun ibang kalaban natin nandun din, so dun pa lang magkakasukatan na kami ng lakas,” aniya. “Sa Tagaytay high speed kaya ma-test yun tiis kung kelan mag-preno.Sa San Mateo naman, rough race track kaya good for upper body strength.”