NAGLAAN ang Department of Environment and Natural Resources - Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ng kabuuang P19.95 milyon para sa 42 local government units (LGUs) sa rehiyon ng Bicol para sa kanilang ecological solid waste management program.

Sa isang panayam kay Director of DENR-EMB 5 (Bicol), Maria Socorro Abu kamakailan, ibinahagi nito na ang pondo ay mapupunta sa pagpapatayo ng material recovery facilities at pagbili ng mga kagamitan, tulad ng shredders, organic composter, at baler machine, at iba pang kailangan para sa pasilidad.

“The main objective of the grant is to minimize the wastes. Not all trash should be lodged at the disposal facilities, but only those residual wastes,” ani Abu.

Bawat munisipalidad ay makatatanggap ng P475,000 bilang pinansiyal na tulong para sa implementasyon ng proyekto na ilalagay sa ilalim ng pamamahala ng project DENR-EMB.

“It will be monitored by our office in close coordination with the Department of the Interior and Local Government,” dagdag pa ni Abu.

Kabilang sa mga bayan na magiging benepisyaryo ng programa ang Camalig, Jovellar, Rapu-Rapu, at Tiwi, sa Albay; Capalonga, Labo, Paracale, San Lorenzo Ruiz, San Vicente, Santa Elena, at Vinzons, sa Camarines Norte; Baao, Balatan, Bato, Bula, Camaliga, Canaman, Caramoan, Del Gallega, Gainza, Garchitorena, Goa, Lagonoy, Lupi, Nabua, Pamplona, San Fernando, at Siruma sa Camarines Sur; Bagamanoc, Baras, Bato, Caramoran, Gigmoto, Panganiban, San Miguel, Viga, at Virac, sa Catanduanes; Baleno, Cawayan, Monreal, Palanas, at San Jacinto sa Masbate.

Ang mga lokal na pamahalaang napili ay mga bayang hindi nakatanggap ng naunang ayuda mula sa EMB, at mga bayan na may hindi bababa sa 50 square meters na lupain. Isa pang kailangan upang maging bahagi ng mga benepisyaryo ay kailangan makapaglaan ng isang financial counterpart.

Noong nakaraang taon, ang EMB din ang nagkaloob ng pinansiyal na suporta para sa 33 lokal na pamahalaan sa kanilang waste management program.

PNA