Inaresto ng pulisya ang isang mag-aama, kabilang ang dalawang menor de edad, at isa pang binatilyo matapos umano nilang patayin sa palo ang isang mag-asawa na nagbawal sa mga ito na mamitas ng prutas sa Meycauayan, Bulacan, nitong Lunes ng madaling araw.

Sa report, kinilala ni Police Maj. Alexander Dioso, deputy chief ng Meycauayan City Police Office (MCPO), nasa kustodiya na nila si alyas “Miguel” at anak na si alyas “Jason”, kapwa nasa hustong gulang.
Nakatakda namang ilipat sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isa pang anak ni “Miguel” na si alyas “Ryan”, 14, at kaibigan nito na si alyas “Marlon”, 15, dahil pawang menor de edad pa ang mga ito.
Kinilala ni Dioso ang dalawang biktima na sina Felix Bernabe, 76, at Estelita, 77.
Sinabi ni Dioso, patungo sana ng palengke ang mag-asawa, sakay ng kanilang tricycle nang abangan sila ng mga suspek, dakong 2:58 ng madaling araw.
Inihayag ni Dioso, inamin ni “Ryan” ang krimen at sinabing kasama nito si “Marlon” sa pagpatay sa mag-asawa.
Ayon kay Dioso, unang pinalo ang babaing biktima na ikinatakot ng nagmamaneho nitong asawa kaya ibinangga nito ang tricycle sa pader.
Gayunman, sinundan pa rin ang lalaking biktima na pinagpapalo rin na sanhi ng ikinamatay ng mga ito.
Ang bangkay ng mag-asawa ay natagpuan na lamang ng mga testigo sa gitna ng kalsada na pinangyarihan ng krimen.
Sa isinagawang follow-up operations, dinakip ang apat matapos magsumbong sa pulisya ang mga testigo sa krimen.
Sa paunang imbestigasyon, inamin ni “Ryan” na nagalit sila dahil sa madalas na pambubulyaw sa kanila ng mag-asawa kapag namimitas ng mangga ang mga ito sa kanilang bakuran.
Ipinahayag pa nito na hindi umano kasama sa mga pumatay ang ama nito at ang kanyang kapatid (Jason)
Bago aniya mangyari ang krimen, galing sila sa inuman at kumain pa sila sa burgeran at nakita lamang umano nilang dumaan ang mag-asawa kaya nagkaroon sila ng pagkakataon na isagawa ang krimen.
Itinanggi rin ni “Miguel” na kasama sila sa pagpatay at sinabing nagtungo lamang sila sa lugar upang tulungan ang mag-asawa matapos silang makarinig ng sumisigaw at humihingi ng tulong.
-Fer Taboy