Patay ang walong katao habang sugatan naman ang 30 iba pa nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa San Mariano, Isabela, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ni Lt. Jess Alonzo, deputy chief ng San Mariano Municipal Police Station (SMMPS), ang mga binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente na sina Geoffrey Cajigal, driver ng jeep; John Lloyd Rivera; Carmelita Zalun; Mayolen Gammad; Gina Magusib; Ines Tapaoan, at Anacleto Cadiente.
Binawian naman ng buhay sa ospital sa Cauayan City si Rosina Madria, dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Isinugod naman sa Gov. Faustino Dy, Sr. Hospital ang 30 pang nasugatan.
Ayon kay Alonzo, binabagtas ng jeep ang national higway sa Barangay Balagan, sakay ang 40 pasahero nang mawalan umano ito ng preno hanggang sa tuluyang mahulog sa 10 talampakang bangin.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa 15 lamang ang maximum capacity ng jeep ngunit aabot sa 40 ang sakay nito, bukod pa sa lulang saku-sakong semento.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.
-Fer Taboy at Aaron Recuenco