ANG hindi pa natatagalang kamatayan ng isang Norwegian woman dahil sa rabies ay pinaniniwalaan kong naglantad sa kakulangan o kawalan ng puspusang anti-rabies campaign hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng daigdig. Nagkataon na ang biktima ay sinasabing nakagat ng aso samanatalang siya, kasama ang iba pang kaibigang dayuhang turista, ay nagbabakasyon sa ating bansa, sa isang resort na maaring may gumagalang mga aso o tuta at iba pang hayop.

Ang kalunus-lunos na pangyayari na sinapit ng naturang turista mula sa Norway ay sapat na upang mamulat ang ating mga awtoridad, lalo na ang mga opisyal ng local government units (LGUs), hinggil sa kahalagahan ng anti-rabies drive. Kailangang pakilusin nila ang kanilang mga tauhan upang hagilapin, kung nararapat, ang mga aso na dapat turukan ng anti-rabies vaccine. Hindi nila dapat panghinayangan ang paglalaan ng malaking pondo mula sa kanilang internal revenue allotment (IRA) para sa libreng pagbabakuna laban sa kamandag ng mga aso.

Dobleng pagsisikap ang dapat ibunsod sa mga barangay na kinaroroonan ng naglipanang mga asong-kalye (Askal) na sadyang pinawawalan ng mga may-ari nito, lalo na sa gabi; laging kaakibat nito ang panganib na makagat ang ating mga kababayan.

Marapat ding doblehin ang pag-atupag sa pagsilo sa mga askal sa pamamagitan ng mga barangay at city pound. Ang mga ito ang palaging umiikot sa iba’t ibang sulok ng komunidad upang siluin ang gumagalang mga hayop; ikukulong ang mga ito sa isang compund upang matiyak na ang ating mga kababayan ay ligtas namang makapaglalakad sa mga kalasada.

Dapat ding tiyakin na ang pagsilo sa mga aso at iba pang hayop ay hindi isang pagmamalupit sa ating mg alaga. Ang naturang mga pet animal ay marapat alagaan at mahalin sa lahat ng pagkakataon. Katunayan, ang ating mga alaga sa mula’t mula pa ay dapat ikunsulta sa mga veterinarian upang maturukan ng distemper at iba pang gamot -- lalo na ang anti-rabies vaccine. At lagi nating ikintal sa ating utak: Dogs are man’s best friend. Ibig sabihin, ang mga ito ang pinakamainam na kaibigan nating lahat.

Biglang sumagi sa aking utak si Sibang -- ang aso na nasagasaan ng isang motorsiklo samantalang inililigtas sa kamatayan ang isang bata. Kinailangan pang ibiyahe sa United States upang operahan ang naturang aso.

Gayunman, lalo nating tiyakin na ang ating mga pet dogs ay maturukan ng anti-rabies upang matiyak naman, kahit paano, na maiwasan ang kamatayan ng ating mga kababayan na makakagat ng mga ito.

-Celo Lagmay