MAKIKIPAGTULUNGAN ang Department of Environment of Natural Resouces ng Region 10 (DENR-10) sa Philippine Eagle Foundation (PEF) upang isulong ang pangangalaga at kapakanan ng mga Philippine Eagle.

Ang hakbang ng DENR-10 ay bahagi ng inisyatibo sa pagdiriwang ng ahensiya ng Environmental Month para sa buong buwan ng Hunyo, gamit ang temang, “Beat Air Pollution,” pagbabahagi ni DENR-10 spokesperson Lina Calvez.

Ayon kay Calvez, kabilang sa mga aktibidad ng ahensiya ngayong buwan ang isang linggong pagdiriwang ng Philippine Eagle Week mula Hunyo 4 hanggang Hunyo 10.

Kaugnay nito, sabay-sabay na idaraos ang interactive public awareness campaign kabilang ang photo exhibit at public screening ng “Bird Of Prey” sa SM CDO Downtown Premier sa Cagayan de Oro City at ang public screening ng “To Save Our Eagle” sa barangay Guilang-guilang sa Manolo Fortich, Bukidnon.

Bilang tugon sa tumataas na bahagdan ng polusyon sa plastic, sinabi ni Calvez na ang

“plogging” activity ay idaraos sa 5 barangay Bulua patungong Bugo Highway ng Cagayan de Oro.

Ang Plogging ay isang bagong “environmentally conscious fitness trend” na pamumulot ng basura habang tumatakbo. Pangungunahan ito ng City Local Environment and Natural Resources Office (CLENRO) at dadaluhan ng mga empleyado ng DENR-10.

Magdaraos din ng patimpalak para sa Ms. Kalikasan 2019 sa Hunyo 20, kasabay ng paglulunsad ng “green film” festival sa iba’t ibang mga paaralan, tampok ang mga pelikulang tumatalakay sa kalikasan.

Sa Hunyo 21 naman, isang Environmental QuizShow para sa mga mag-aaral ang idaraos na susundan ng environmental quiz bee para sa mga empleyado ng DENR-10 sa Hunyo 25. Sa susunod na araw, isang environmental symposium ang gaganapin sa Libertad National High School at Initao National High School sa probinsiya ng Misamis Oriental.

Upang mahikayat ang bawat isa na makilahok sa pagsusulong ng mas malusog na ecosystem, magkakaroon din ng Arbor Day Celebration, idinaraos tuwing ika-25 ng Hunyo, sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga bakawan sa mga komunidad ng Molugan at Taytay sa El Salvador City, Misamis Oriental.

Ayon kay Calvez ang culmination program sa Hunyo 28 ay katatampukan din ng mga aktibidad tulad ng paggagawad ng sertipiko at plake sa Best Performing National Greening Program Peoples Organization, Best Institutional Partner, Best DENR-10 Employee, Service Award for Employees with 32 years in public service, Best Land Administration and Management System (LAMS) Verifiers, at iba pang nagwagi sa mga idinaos na patimpalak.

PNA