Nagkakaisa ang mga opisyal ng Senado sa paniniwalang hindi na maipapasa ng Mataas na Kapulungan ang panukalang ipatupad ang military training sa mga senior high school students dahil sa kakulangan ng oras.

(kuha ni Bob-Dungo Jr)

(kuha ni Bob-Dungo Jr)

Ito ay sa kabila ng sinertipikahan ng “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senate Bill 2232, o ang panukalang Senior High School Reserve Officers Training Corps (ROTC) Act, para sa agaran nitong pagpasa.

Sa kanilang sesyon nitong Lunes ng gabi, inihayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na natanggap nila ang certification ni Duterte.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Gayunman, sinabi ni Zubiri na hindi na mapagbibigyan ng Senado ang apela ng Pangulo dahil hindi pa napagdedebatehan ng mga senador ang hakbang sa plenaryo.

"Mr. President, these measures would take a lot of hours of debate. We have a different system in the Senate. The committee may approve it quickly...but the debates happen on plenary," aniya.

"Unfortunately, the certification was only given today (Monday), as a matter of fact this afternoon," dugtong niya.

Nagtapos ang mga sesyon kahapon at opisyal na magsasara ang 17th Congress sa Hunyo 7.

Sumang-ayon si Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon kay Zubiri, iginiit na hindi maaaring madaliin ng certification ng Pangulo ang pag-apruba sa mga batas.

"A certification as urgent by the President would only dispense with the three-day rule. There is nothing in the certification which would shorten the debate on any measure. And the debates will be governed by the rules of the Senate," ani Drilon.

Binanggit naman ni Senate President Vicente Sotto III na kailangan ng bicameral conference committee matapos maipasa ang batas sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi rin ni Sen. Francis Escudero  na mahihirapan nang magkaroon ng "special session" ang Senado na sarado na ngayon at muling magbubukas sa Hulyo 22.

"Wala nang pag-asang makapasa 'yan sa pananaw ko sa kasalukuyang Kongreso. Susunod na Kongreso na ang magtatalakay n'yan," ani Escudero.

Umasa ang mga lider na muling sesertipikahang  urgent ni  Panguong  Duterte ang panukala sa 18th Congress.

Sa kabila nito, tiwala ang Malacañang na maipapasa ng susunod na Kongreso ang pagbabalik ng mandatory ROTC program para sa SHS students.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kinapos ng oras ang Senado para maipasa ang  inendorsong  panukala ng  Pangulo.

"If it lacks time, there is another new Senate coming up so I don't think that's a problem," ani Panelo sa press conference sa Palasyo.

-Vanne Elaine P. Terrazola, Leonel M. Abasola, at Genalyn D. Kabiling