Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4:30 n.h. -- Phoenix vs Blackwater
7:00 n.g. -- Rain or Shine vs Meralco
MAIPAGPATULOY ang nasimulang three-game winning streak upang mas tumatag ang pagkakaluklok sa ibabaw ng team standings ang tatangkain ng Blackwater sa pagsagupa nila sa Phoenix sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa MOA Arena sa Pasay.
Sa pangunguna nina import Alex Stepheson at blue chip rookie Bobby Ray Parks, naipanalo ng Elite ang una nilang tatlong laban kontra Meralco Bolts, defending champion Barangay Ginebra Kings at Columbian Dyip.
Sanhi ng impresibong performance sa pagsisimula ng kanyang unang stint sa liga, si Parks ang tinanghal na unang Player of the Week ng ikalawang conference.
Muling masusubukan ang tropa ni interim coach Aries Dimaunahan sa pagsalang nilang muli ngayong 4:30 ng hapon lalo pa’t galing sa impresibong run noong nakaraang Philippine Cup ang Fuel Masters kung saan umabot sila sa unang pagkakataon sa kanilang franchise history sa semifinals bago natalo sa nagkampeong San Miguel Beermen.
Bukod dito, beterano rin ang kinuhang import ng koponan sa katauhan ni dating Alaska import Rob Dozier na manggagaling sa paglalaro sa San-en Neo Phoenix sa Japan’s Basketball League kung saan ito nagtala ng average na 15.4 puntos , 9.8 rebounds, at 2.4 assists.
Kilalang isang defensive player, muling makakasama ni Dozier sina dating Alaska assistant coaches Louie Alas at Topex Robinson at mga dating Alaska teammates Calvin Abueva at RJ Jazul.
Sa tampok na laro ganap na 7:00 ng gabi, sasalang din sa unang pagkakataon ang Rain or Shine kontra Meralco.
Pangungunahan ang Elasto Painters ni dating PBA Best Import Denzel Bowles na magbubuhat sa kanyang stint sa Japanese team na Kanazawa Samuraiz.
Magtatangka namang makabalik ng win column ang tropa ni coach Norman Black na natalo sa kanilang ikatlong laro kontra Kings noong nakaraang Linggo na nagbaba sa kanila sa markang 1-2.
-Marivic Awitan