Isang French na madre ang inatake at marahas na itinulak pabagsak bago paulit-ulit na sinipa malapit sa isang banal na lugar sa Jerusalem, sa gitna ng pagtaas ng mga insidente ng karahasan laban sa mga Kristiyano sa Israel, Lebanon at mga teritoryo ng Palestine.
Ayon sa Israeli Police, naaresto na ang isang 36-anyos na suspek kaugnay ng pag-atake, ngunit hindi nila ibinunyag ang nasyonalidad nito.
Naglabas din ang pulisya ng video kung saan makikita ang mga pasa sa kanang bahagi ng mukha ng madre. Naka-blur ang mukha ng suspek sa footage, ngunit lumilitaw na siya ay nakasuot ng tzitzit, isang tradisyunal na kasuotan ng ilang relihiyosong lalaking Hudyo.
Nangyari ang insidente malapit sa David's Tomb, sa labas ng Zion Gate sa timog bahagi ng Old City, at sa harap ng Cenacle—isang gusali sa Mount Zion na itinuturing na banal ng parehong Kristiyano at Hudyo.
Ang Old City sa silangang Jerusalem ay isang sinaunang pook na napapalibutan ng pader at tahanan ng ilan sa pinakamahahalagang banal na lugar para sa mga Hudyo, Kristiyano at Muslim. Ito rin ay sentro ng tensyon dahil sa usapin ng pagmamay-ari at access na kaugnay ng matagal nang Israeli-Palestinian conflict.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang Faculty of Humanities ng Hebrew University of Jerusalem at kinondena ang pag-atake.
“This is not an isolated incident, but part of a troubling pattern of rising hostility toward the Christian community and its symbols,” anang faculty.
Ayon naman sa isang European diplomatic source sa Jerusalem, ang insidente ay naganap sa konteksto ng lumalalang anti-Christian acts.
“Occurred in a context where anti-Christian acts have become commonplace, with insults and spitting by Jewish extremists targeting clergy in religious dress on a daily basis,” saad nila.