Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkamatay ng 13 aso sa bayan ng San Miguel, Iloilo na pinaniniwalaang sinadyang lasunin, ayon sa kanilang mga tagapag-alaga.
Kumuha na ng mga sample mula sa hinihinalang lason na natagpuan sa pagkain ng mga hayop. Isasailalim ito sa pagsusuri ng forensic unit ng Police Regional Office 6.
Ayon sa pamilya na nag-aalaga sa mga aso, nadiskubre nila ang isang asul na substansiya na hinalo sa pagkain ng mga hayop nang matagpuan nilang patay ang mga ito noong Abril 29, 2026. Nailibing na ang mga aso matapos ang insidente.
Sinabi ni Bryan Alejo, hepe ng San Miguel Municipal Police Station, na lumabag sa batas ang sinumang pumatay sa mga aso.
“May pananagutan kasi under the Animal Welfare Act, Section 6, killing of an animal is violation of the law,” ani Alejo sa media.
Ayon pa sa kaniya, posibleng isang residente sa lugar ang responsable, batay sa mga reklamo na natanggap ng pulisya mula sa mga dumaraan sa lugar na umano’y natatakot sa mga asong pagala-gala.
“May nakapagsabi sa amin na marami daw ang dumadaan sa lugar na natatakot dahil maraming aso ang gumagala,” Alejo said.
Ang 13 asong namatay ay kabilang sa 30 hayop na inaalagaan ng pamilya ni Ann, kung saan ilan ay mga dating ligaw na kanilang inampon.
Ayon kay Ann, itinuturing nilang bahagi ng pamilya ang mga hayop.
“Masakit, kasi inalagaan mo, ilang kilong bigas ang binibili namin para mapakain sila tapos ganoon lang ang gagawin. Pero kailangang tanggapin kasi nangyari na,” saad ni Ann sa media.
Dagdag pa niya, kung may problema ang mga dumaraan sa lugar, maaari naman umano silang makipag-usap sa pamilya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.