INILUNSAD nitong Lunes ang kauna-unahang Kapampangan literacy mobile application na layuning isulong ang paggamit ng inang wika bilang pundasyon sa pagkatuto ng mga bata.

Pinangunahan ng lokal na pamahalaaan ng Angeles City katuwang ang Smart Communications at mga tagapagsulong ng kultura at sining ang naging paglulunsad ng mobile app na pinangalanang “Singsing”.

Binuo ang Singsing upang magsilbing interactive learning tool para sa mga bata sa pre-school, kung saan tampok dito ang mga salita, letra, at mga numero sa wikang Kapampangan.

Likha ang software ng mga mag-aaral ng City College of Angeles (CCA) at OrangeFix Media, habang ang content ay mula sa Sinupan Singsing: Center for Kapampangan Cultural Heritage.

Pagmamalaki ni Mayor Edgardo Pamintuan malaki ang maitutulong ng nasabing proyekto sa adbokasiya ng lungsod na maisulong ang Kapampangan bilang opisyal na wika ng lungsod kasama ng iba pang opisyal na mga wika.

Tumutugon din ang application sa hangarain ng Ordinance No. 424 na tungkol sa pagsusulong ng wikang Kapampangan, lalo na sa mga batang Angeleños at sa mga susunod pang henerasyon.

Inilarawan ni Pamintuan ang proyekto bilang isang mahalagang tagumpay sa mga Angeleños na ang pagmamahal at hindi matatawarang dedikasyon upang isulong ang mayaman na sining at kultura ng Pampanga ay naresulta upang maalis ang imaheng “Sin City”ng Angeles.

“We have come to the age where heritage, culture, and the arts are of most importance to our people. We are now reaping all what we have sowed during the earlier years of my term and now, there is indeed a renaissance of culture and arts in our city,”ani Pamintuan.

“While we are enjoying the advantages of urbanization, we have been keen in protecting the soul of our city - its cultural heritage legacies,” aniya.

Ayon kay Culture and Heritage officer Joy Cruz manipestasyon ang mobile app ng samasamang at nagkakaisang pagsisikap ng mga publiko at pribadong sektor tungo sa pag-abot ng hangaring ito ng lungsod.

“An app intended to teach pre-school children to speak, read, and count in Kapampangan,” ani Cruz.

Ibinahagi naman ni Stephanie Orlino, senior manager at pinuno ng Education Programs ng Smart Communication, na ang app ay bahagi ng pambansang hangarin sa pagsusulong ng digital learning sa pamamagitan ng paggamit ng Amanung Sisuan o ang “mother-tongue”.

Maaari na ngayong ma-download ng libre ang ‘Singsing’ app para sa mga android handsets via Google Play.

PNA