Napasakamay na ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay sa lady Grab driver, na natagpuang naaagnas sa ilalim ng lababo ng isang condominium unit sa Cainta, Rizal, sa ikinasang follow-up operation sa Pasig City, nitong Miyerkules ng gabi.

Arrested man in handcuffs with hands behind back

Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, naaresto si Paolo Largado, nasa hustong gulang, ng Unit 512, Building C, Dumos 1 Condominium, Barangay San Andres, Cainta, Rizal, sa follow-up operation sa Bgy. Bagong Ilog, Pasig City, dakong 11:00 ng gabi.

Si Largado, na nagpakalbo pa umano upang hindi siya basta makilala ng mga pulis, ang itinuturong suspek sa pagpatay kay Maria Cristina Palanca, 45, ng Block 4, Lot 15, Molave Street, Evergreen Subdivision, Bgy. San Roque, Antipolo City.

Internasyonal

ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?

Makikipagkita umano sana ang suspek sa kanyang nobya, ngunit lingid sa kanyang may naghihintay na mga pulis sa lugar at agad siyang dinakma.

Ayon kay Cainta MPS chief, P/Col. Alvin Consolacion, tinugis nila ang suspek mula sa Lucena City, Quezon kung saan nito isinangla ang itim na Toyota Avanza (DAE-3053) ni Palanca, sa isang kakilala, at saka bumalik sa Pasig City kung saan siya naaresto at nahulihan ng isang pakete ng umano’y shabu.

Nabatid na nasundan ng mga pulis si Largado nang makuhanan siya ng closed-circuit television (CCTV) camera sa condominium kung saan tinangay niya ang sasakyan ng biktima.

Binantayan din umano ng mga pulis ang nobya ni Largado, dahilan upang maaresto nila ang suspek.

Nagtangka pa umanong tumakas si Largado, ngunit agad na pinosasan ng mga pulis.

Sa isang panayam sa telebisyon, ikinatwiran ni Largado na nakilala niya si Palanca nang maisakay siya nito hanggang sa matuklasang kapwa umano sila sangkot sa illegal drug trade.

Inalok umano siya ni Palanca na may alam itong supplier at nakakautang umano siya dito nang ilegal na droga na "panggamit" niya.

Ayon pa kay Largado, atrasado na siya ng P26,000 sa biktima kaya pinuntahan siya nito upang singilin.

Noong una umanong puntahan siya ng biktima ay binantaan siya nito na sa susunod na punta nito ay "may kalalagyan siya" kaya nang balikan aniya siya ng biktima ay inakala niyang babarilin siya nito kaya inunahan na niya si Palanca.

"So, akala ko po babarilin ako, kaya inunahan ko na po at hinawakan ko ang kamay niya para hindi po ako mabaril. Tapos hindi ko na po alam na madiin na pala yung pagkahawak ko sa leeg niya," kwento ni Largado.

"Hinawakan ko 'yung kamay tapos hindi ko na po alam na madiin na po pala 'yung pagkakaano ko sa leeg niya. Hindi ko po sinasadya kasi kinapitan ko lang po 'yung kamay niya, hindi ko alam na 'yung pagkakahawak ko sa leeg niya, 'yung pagkakaganun ko po sa leeg ay madiin na, tapos tinakpan ko rin po 'yung ano..yung bibig… tapos yun pala hindi na po pala siya makahinga," aniya pa.

-Mary Ann Santiago at Fer Taboy