Dinakma ng pulisya ang dalawang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group sa isang operasyon sa Davao City, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng Davao City Police Office ang mga naaresto na sina Haider Arasani Anjawan, 31, ng Barangay Panglayahan, Patikul Sulul; at Al Faisal Abubakar Hassan, 40, ng Ayel Village, Zamboanga City.
Sa ulat ng mga awtoridad, inaresto ang dalawa sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Puerto Princesa City Regional Trial Court Branch 51 Judge Ambrosia De Luna sa illegal possession of firearms, at sinalakay ang hideout ng mga ito sa Purok 4, Bgy. Ilang, dakong 8:00 ng gabi.
Nasamsam kina Anjawan at Hassan ang isang .45 caliber pistol at mga bala nito, at isang fragmentation hand grenade.
Dahil dito, nadagdagan ng bilang ang kinakaharap ng mga ito na illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of explosives.
-Armando B. Fenequito, Jr.