KATATAPOS pa lamang ng halalan, hindi pa nag-iinit sa upuan ang mga nahalal, heto at nagpapatutsadahan na ang mga lider sa Kamara kung sino sa kanila ang mauupong speaker of the house, habang nakamasid at nakikinig lamang sa kanila ang buong sambayanang Pilipino.
Ang magulong mundong ito ng pulitika dito sa ating bansa ang pangunahing dahilan kaya simula nang pumasok ako bilang mamamahayag, niyakap ko na agad ang pagiging police reporter – at hindi ako nakisawsaw man lang sa pulitika – hanggang sa magretiro ako, limang taon na ang nakalilipas.
Ngunit sa aking pagmamatyag sa nagaganap sa Kamara, ito ang nakita kong sampol ng sinasabi kong “rigodon”
sa Kongreso— subaybayan ninyo.
Umugong ang pangalan ni Rep Paolo “Polong” Duterte, ng Davao City, bilang kapalit ni Rep Gloria Macapagal-Arroyo sa pagiging speaker of the house.
Sa gitna ng bakbakan nina Rep. Lord Allan Jay Velasco, ng Marinduque, at Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ng Leyte, kung sino ang papalit kay GMA – biglang lumutang ang pangalan ni Polong.
Para sa akin, panggulo lamang si Polong sa bakbakan. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing magbibitiw siya bilang pangulo kapag tumakbong speaker of the house ang kanyang anak.
Bukod kay dating speaker Rep Pantaleon Alvarez, ng Davao del Norte, walang malinaw na suporta si Polong.
Marami ang nagsasabi na paraan lamang ito ni Digong upang ipakita na “macho” pa rin siya, sa kabila ng usap-usapan na may malubha siyang karamdaman, tulad nang muntik na siyang masubsob habang naglalakad at nang makatulog sa mahahalagang okasyon, gaya ng natapos na graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.
Ngunit sa palagay ko, malabo pa sa sabaw ng sinaing na bumaling ang suporta kay Polong sa Kamara. Wala pa kasi siyang magandang record na naipakita bilang mambabatas, na maaaring maging batayan upang iupo siya bilang speaker ng mga kasamahan niyang mambabatas. Lalo pa’t ito ang unang pagkakataon na nauupo si Polong bilang kinatawan ng isang distrito.
At sa palagay ko, magiging katawa-tawa ang sitwasyon na ganito – patungo sa usapin ng delikadesa – na magpapasagwa sa imahe ng Pangulo, dahil sa “anak ni Digong ang speaker of the house”.
Magmumukhang usapang pampamilya ang paglilingkod sa buong sambayanan!
Masagwa ito para sa mapang-usisang mata ng mga taga-ibang bansa – na ang pangunahing lingkod-bayan natin ay galing lamang sa iisang pamilya.
Sa mga pailalim na bulungan sa Kamara, lumalamang si Romualdez bilang kandidato sa pagka-speaker. Ito ay base sa mga naglalabasang “manifesto of support” na sa huling tala ay nilagdaan na ng halos 150 mambabatas.
Konting boto na lamang ang kakailanganin ni Romualdez para makopo niya ang pagiging speaker of the house. Mayroong 307 mambabatas sa Kamara, kaya ang kabuuang boto na kakailanganin niya ay 158 para makuha ang speakership sa Kamara.
Hindi pa nakalalagda ang ibang nagbigay ng kani-kanilang suporta dahil hindi pa nakababalik ang mga ito sa Kamara mula sa kanilang lalawigan.
Hindi naman dumating ang suporta kay Velasco, ang pinaniniwalaang manok ni Sara Duterte-Carpio, ang anak ni Digong na mayor ng Davao City. Walang sumiseryoso kay Velasco dahil ang paniwala nang marami ay hindi pa ito hinog para maging speaker.
Pinagtaasan naman ng kilay sa Kamara ang umano’y naging pahayag ni Alvarez na namimili ng mga boto – tig-isang milyon kada boto -- ng mga mambabatas ang mga pangunahing kandidato sa pagka-speaker.
O ‘di ba parang circus sa Kamara? On second thought, parang masaya rin – kaya sa palagay ko magsusulat pa akong muli ng artikulo na gaya nito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.