Sa harap ng mga espekulasyon tungkol sa kanyang kalusugan, sinabi ni Pangulong Duterte na gusto lang niya “to do good” sa mga nalalabing taon ng kanyang termino, at binira ang kanyang mga kritiko sa paghahangad umano na magkasakit siya.
Tinalakay ni Duterte ang tungkol sa kanyang kalusugan at ang pakikipag-usap niya sa Diyos tungkol sa kanyang pagsisilbi sa bansa nitong Lunes, isang araw makaraang maging kapansin-pansin ang kanyang kawalang sigla sa pagdalo niya sa Philippine Military Academy (PMA) graduation ceremony sa Baguio City nitong Linggo.
“I am on my last three terms. Gusto ko lang to do good and if that good is not good for everybody, well I’m sorry. ‘Yan lang ang makaya ko,” sinabi ni Duterte sa oath-taking ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malacañang kagabi.
“Ako ang lahat na ng sakit na ano tinatapon na sa akin. Colon, sa ano,” dagdag niya.
Ikinuwento rin ng 74-anyos na Pangulo na tinanong niya ang Diyos kung tungkol saan ang pagsisilbi bilang Pangulo.
“Sabi ko nga sa—tinanong ko ‘yung Diyos, eh. Sabi ko, ‘God, ano ba itong presidente? Patagalan sa mundo o patrabaho tayo dito and by the time we become unproductive, we should go out of this universe?” ani Duterte.
Una nang naging kapansin-pansin nitong Linggo kawalang-sigla ni Duterte sa seremonya sa PMA, kung saan dalawang oras siyang late, kaya naman muling umugong ang isyu tungkol sa tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Depensa naman ng Malacañang kahapon, inaantok si Duterte dahil dalawang oras pa lang ang tulog nito, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, at muling tiniyak na malusog ang Presidente.
-Genalyn D. Kabiling