HINIHIKAYAT ng Technical Education and Skills Development Authority ang mga residente ng Western Visayas na interesadong sumailalim sa skills training, upang makinabang sa training-for-work-scholarship program (TWSP) ng ahensiya ngayong taon.

Sa isang panayam kamakailan kay TESDA-Region 6 Director Ashary A. Banto, ibinahagi niya na batay sa absorptive capacity ng Technical-Vocational Education and Training (TVET) providers at TESDA Technology Institutes (TTIs), may kakayahan ang mga ito na tumanggap ng hanggang 8,000 magsasanay.

“Initially, we will fund four batches per course,” ani Banto, kasabay ng pagsasabing nakapaglaan na ang central office ng ahensiya ng paunang pondo para sa proyeko.

May halos 200 rehistradong programa sa rehiyon ng Western Visayas. At base sa absorptive capacity ng Western Visayas, mangangailangan ito ng mahigit P200 milyon para sa buong taon.

Bawat kurso, aniya, ay magkakaiba ng gastos sa pagsasanay.

Para naman sa mga interesado sa programa, kinakailangan lang na bumisita sa panglalawigang tanggapan ng Technical Education and Skills Development Authority.

“They will be assessed based on their chosen course and will determine if they will qualify,” aniya.

Dagdag pa ni Banto, nagpapatuloy ang enrolment, kahit pa nag-umpisa na ang klase.

Kinakailangang magdala ang aplikante ng tamang identification cards.

Dapat ding nasa 15 taong gulang pataas ang sasailalim sa pagsasanay, na kayang hasain ang kakayahan at handa sa mga bagong pagkatuto, ayon kay Banto.

PNA