Naglabas ng opisyal na public apology si Sen. Juan Miguel Zubiri matapos sitahin ng TV personality na si IC Mendoza, sa pagbanggit ng una sa pangalan ng kaniyang lolang si Lourdes Carbajal o "Inday Badiday" sa Senate plenary session noong Lunes, Mayo 25.
Hindi kasi napigilang mag-react nang todo ni Zubiri sa inilabas na video ni Sen. Imee Marcos, hinggil sa umano'y nalaman niyang may binabalak na "Charter Change o "Cha-Cha" sangkot ang ilang mga senador mula sa minority bloc at ilang personalidad sa Kamara, para umano'y magkaroon ng term extension ang ilang mga posisyon sa pamahalaan, kabilang na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., at taasan ang age requirement ng tatakbong pangulo ng bansa, para daw hindi na makatakbo sa pagkapangulo si Vice President Sara Duterte sa 2028.
Dahil dito, nabanggit ni Zubiri ang pumanaw na showbiz columnist/insider na kilala sa paghahatid ng showbiz news, tsika, at intriga.
Sa kaniyang pahayag, nabanggit ng senador ang pangalan ni Inday Badiday habang tinutukoy ang umano’y “circus” na nagaganap sa Senado, at pagkondena sa umano'y "propaganda tool" ni Marcos.
"Inday Badiday na ba tayo rito sa Senado? Kaya nga sinasabi we're circus. I apologize to those watching, they think we're circus. We're circus because this type of language that we are pushing in this august chamber. It's unparliamentary,” saad ni Zubiri.
Maki-Balita: Sen. Zubiri umalma kay Sen. Marcos ukol sa cha-cha: 'Inday badiday na ba tayo rito'
Dahil dito, nagpahayag ng saloobin si IC Mendoza, apo ni Inday Badiday, at sinabing hindi umano dapat nadadamay ang pangalan at alaala ng kaniyang lola sa usaping pampolitika.
Sa kaniyang social media post, sinabi ni IC na higit pa umano sa “showbiz chika at intrigues” ang naging ambag ng kaniyang lola sa industriya.
Dagdag pa niya, malaki umano ang naging impluwensiya ni Inday Badiday sa local pop culture at entertainment journalism sa Pilipinas, kaya nakasasakit umanong makita na ginagamit ang pangalan nito kaugnay ng nangyayaring sigalot sa Senado.
"Dear Senator Migz Zubiri, Please do not disrespect the legacy of my late mommy Luds. She was more than showbiz chika and intrigues. She helped shape local pop culture and the entertainment journalism landscape of her time, and her work influenced conversations around media and entertainment for generations."
"Reducing her name and legacy to describe the 'circus' happening in the Senate is offensive. Ang tagal nang patay ng lola ko. Please leave her out of your political commentaries and analogies," aniya pa.
Kasunod nito ay naglabas naman ng public apology si Zubiri na nakatuon sa pamilya ni Inday Badiday.
Nilinaw ng senador na ang kaniyang pagkadismaya ay nakatuon lamang sa sitwasyon sa loob ng Senado at hindi kailanman laban sa yumaong media personality.
Isang "slip of the tongue" lang daw ang nangyari at wala raw siyang balak na siraan o ikonekta sa fake news ang nabanggit na sumakabilang-buhay na showbiz personality.
"Sa buong pamilya of the late Inday Badiday, I am sincerely sorry for mentioning her name during my manifestation sa Senado," mababasa sa inilabas na opisyal na pahayag ni Zubiri, sa kaniyang opisyal na Facebook page.
"Slip of the tongue po iyon in the middle of a heated debate, and I take full responsibility because I should have been more careful with my words," aniya pa.
"I want to say this from the heart: I respect Inday Badiday, and like many from my generation, lumaki rin po ako na nakikita siya sa TV, bahagi siya ng pop culture natin and she was loved by so many Filipinos."
"Lovable talaga siya, with her own charm, wit and warmth, and I fully recognize her contribution to Philippine television, entertainment journalism and media."
"My frustration was about the video shown on the Senate floor, and I never meant to disrespect her memory or reduce her legacy to politics."
"Tama si I.c. Mendoza, dapat hindi na nadamay ang lola niya sa usaping pulitika. Kaya muli, I apologize deeply to the family and I will be more mindful moving forward," pagtatapos ng mambabatas.
Nakarating naman ito sa kaalaman ni IC at pinatawad naman si Zubiri.
"Walang problema Senator Migz Zubiri Completely understand. Hope you're well," mababasa sa komento ni IC.
Sa isa pang Facebook post, sinabi ni IC na alam niya kung saan nanggagaling si Zubiri. Ayaw lamang daw ni IC na madikit ang pangalan ng kaniyang lola sa "fake news peddlers."
Sa huli, sinabi ni IC na ipagpatuloy lang ni Zubiri ang kaniyang pinaglalaban.
"I also get where you’re coming from and your frustration. And yes, I’m sure you meant no malice by it. Kilala talaga siya for showbiz intrigues, but it just felt off seeing her memory associated with fake news peddlers. Kaya that's what caught us by surprise. But all good!"
"Thank you for this Senator Migz. Appreciate it, Keep fighting the good fight," anang IC.
Maki-Balita: IC Mendoza, sinita si Sen. Zubiri sa pagbanggit kay Inday Badiday; senador, nag-sorry!