Nagpalitan ng pahayag sina IC Mendoza at Sen. Juan Miguel Zubiri matapos mabanggit ng senador ang pangalan ng yumaong showbiz columnist at insider na si Lourdes Carvajal, "Inday Badiday," sa gitna ng isang mainit na sesyon sa Senado noong Lunes, Mayo 25.
Si Inday Badiday, ay nanay ng showbiz columnist at insider na si Dolly Anne Carvajal, na nanay naman ni IC Mendoza.
Nag-ugat ang isyu sa naging deliberasyon sa Senado noong Lunes kung saan nagbigay ng reaksiyon si Zubiri sa isang kontrobersiyal na presentasyon na inilabas ni Sen. Imee Marcos, kaugnay umano sa planong Constitutional Assembly o Con-Ass na niluluto ng Kongreso, para sa term extension ng ilang mga posisyon sa gobyerno, at pagtataas ng age requirement para sa maaaring kumandidato sa pagkapangulo, para hindi umano makatakbo si Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang pahayag, nabanggit ng senador ang pangalan ni Inday Badiday habang tinutukoy ang umano’y “circus” na nagaganap sa Senado, at pagkondena sa umano'y "propaganda tool" ni Marcos.
"Inday Badiday na ba tayo rito sa Senado? Kaya nga sinasabi we're circus. I apologize to those watching, they think we're circus. We're circus because this type of language that we are pushing in this august chamber. It's unparliamentary,” saad ni Zubiri.
Dahil dito, nagpahayag ng saloobin si IC Mendoza, apo ni Inday Badiday, at sinabing hindi umano dapat nadadamay ang pangalan at alaala ng kaniyang lola sa usaping pampolitika.
Sa kaniyang social media post, sinabi ni IC na higit pa umano sa “showbiz chika at intrigues” ang naging ambag ng kaniyang lola sa industriya.
Dagdag pa niya, malaki umano ang naging impluwensiya ni Inday Badiday sa local pop culture at entertainment journalism sa Pilipinas, kaya nakasasakit umanong makita na ginagamit ang pangalan nito kaugnay ng nangyayaring sigalot sa Senado.
"Dear Senator Migz Zubiri, Please do not disrespect the legacy of my late mommy Luds. She was more than showbiz chika and intrigues. She helped shape local pop culture and the entertainment journalism landscape of her time, and her work influenced conversations around media and entertainment for generations."
"Reducing her name and legacy to describe the 'circus' happening in the Senate is offensive. Ang tagal nang patay ng lola ko. Please leave her out of your political commentaries and analogies," aniya pa.
Kasunod nito ay naglabas naman ng public apology si Zubiri na nakatuon sa pamilya ni Inday Badiday.
Nilinaw ng senador na ang kaniyang pagkadismaya ay nakatuon lamang sa sitwasyon sa loob ng Senado at hindi kailanman laban sa yumaong media personality.
"Sa buong pamilya of the late Inday Badiday, I am sincerely sorry for mentioning her name during my manifestation sa Senado," mababasa sa inilabas na opisyal na pahayag ni Zubiri, sa kaniyang opisyal na Facebook page.
"Slip of the tongue po iyon in the middle of a heated debate, and I take full responsibility because I should have been more careful with my words," aniya pa.
"I want to say this from the heart: I respect Inday Badiday, and like many from my generation, lumaki rin po ako na nakikita siya sa TV, bahagi siya ng pop culture natin and she was loved by so many Filipinos."
"Lovable talaga siya, with her own charm, wit and warmth, and I fully recognize her contribution to Philippine television, entertainment journalism and media."
"My frustration was about the video shown on the Senate floor, and I never meant to disrespect her memory or reduce her legacy to politics."
"Tama si I.c. Mendoza, dapat hindi na nadamay ang lola niya sa usaping pulitika. Kaya muli, I apologize deeply to the family and I will be more mindful moving forward," pagtatapos ng mambabatas.
Nakarating naman ito sa kaalaman ni IC at pinatawad naman si Zubiri.
"Walang problema Senator Migz Zubiri Completely understand. Hope you're well," mababasa sa komento ni IC.
Sa isa pang Facebook post, sinabi ni IC na alam niya kung saan nanggagaling si Zubiri. Ayaw lamang daw ni IC na madikit ang pangalan ng kaniyang lola sa "fake news peddlers."
Sa huli, sinabi ni IC na ipagpatuloy lang ni Zubiri ang kaniyang pinaglalaban.
"I also get where you’re coming from and your frustration. And yes, I’m sure you meant no malice by it. Kilala talaga siya for showbiz intrigues, but it just felt off seeing her memory associated with fake news peddlers. Kaya that's what caught us by surprise. But all good!"
"Thank you for this Senator Migz. Appreciate it, Keep fighting the good fight," anang IC.