LUMALAKAS ang bulungan sa kampo ng Philippine Information Agency (PIA), ang tanggapan na dapat manguna sa pagpapalaganap ng magandang imahe ng pamahalaan, na may masisibak na namumuno rito dahil sa umano’y kurapsiyon na, anila, matagal nang talamak na talamak ngunit walang pumapalag.

Sumingaw ang alingasngas hinggil sa corruption sa PIA nito lamang nakaraang linggo nang makatanggap ang ilang taga-media ng kopya ng mga reklamong inihain sa Ombudsman – limang kaso ng corruption at isang kaso ng pag-abuso sa kapangyarihan, na nakasentro mismo sa director general nito na si Undersecretary Harold Clavite.

Agad kong hinanap si Benjie “Tsong” Felipe, isang dating mamamahayag na nakasama ko noong dekada 80, na sa pagkakaalam ko sa ngayon ay isa ng director sa PIA, upang mahingian ng impormasyon hinggil sa naturang katiwalian. Lumutang kasi ang kanyang pangalan kaugnay ng kaso!

Nahirapan akong hagilapin siya at nang makontak ko naman ay malutong ang kanyang pagtanggi: “Sorry Dave, I’m not allowed to talk to the media. Not now.”

Kilalang-kilala ko si Tsong, alam kong may laman ang buntot ng kanyang sinabing, “Not now” kaya maghihintay na lamang ako sa pasabog niya. Ramdam ko na may itinatago siya sa akin!

Pinasyalan ko ang ilan sa katsokaran ko sa PIA, at sa aking pag-uusisa, lumitaw na ang ilang empleyado rito na naipit sa maanomalyang transaksiyon -- gaya ng kanilang trust funds, pang-aabuso sa Collective Negotiation Agreement (CNA), paggalaw sa pondo ng paboritong proyektong TV show na “Like Pinas”, isang travel show, na ang pondo para sa mga ito ay ginawa umanong palabigasan ng mga inirereklamong opisyal ng PIA.

Nakakuha ako ng kopya ng reklamong ito, na inihain sa tanggapan ni Ombudsman Samuel Martinez, at kasama sa panalangin ng mga ito ay “sibakin na ang mga boss nila at huwag payagan na makabiyahe at makalabas sa bansa” upang maharap ang mga kasong isinampa nila!

Sa pag-uurirat ko hinggil sa kaso, may mga empleyado akong nakausap na todo ang pagtatanggol sa kanilang bossing na si Usec Clavite. Ang mga nagrereklamo umano laban sa kanilang bossing ay mga “kasamahan nilang galit sa repormang ipinatutupad ni Usec Clavite sa PIA dahil nasapol nito ang kanilang pinagkakakitaan sa mga “raket” sa naturang tanggapan.

Ang mga hirit namang ito ay inismiran lamang ng ilang empleyado ng PIA na nakausap ko, na nagsabi na matibay ang mga kasong pang-aabuso sa kapangyarihan at pagwaldas ng pera ng ahensiya sa maling mga transaksiyon, na isinampa nila sa tanggapan ng Ombudsman.

Sagot ng mga empleyado sa alegasyon na reklamo sa PIA policy ang iniaangal nila: “Kung grievance sa policy ng ahensiya ang dahilan ng reklamo ng mga empleyado, hindi ito tatanggapin at papatulan ng Ombudsman. Dito tayo magkakaalaman!”

Dagdag pa nila: “Eh, para saan ba talaga ang binuo na ‘Fraud Audit Team’ ng Commission on Audit (COA) – eh ‘di ba para maimbestigahan ang posibleng disallowances at masampahan ng kasong kriminal ang mga hepe ng mga ahensiyang sangkot sa maling paggamit ng PIA Trust Fund?”

Ayon pa sa kanila – sa tagal na umano nila sa PIA ngayon lang nagkaroon ng ganitong alingasngas na sa halip na mabuting balita para sa administrasyon ang kanilang pinalalaganap, mabaho at bulok na balita ang nasasagap ng mga mamamayan.

Kung totoo ang mga alegasyong ito laban sa pamunuan ng PIA – hindi ito dapat balewalain ng Palasyo. Dapat na isalang agad sa sangkalan at sibakin ang mga kapalmuks na opisyal na ito!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.