NANGUNA at nakamit ng entry ni Baham Mitra – ang Mitra 56 – ang kampeonato sa naitalang six-match sweep sa 2019 Thunderbird Manila Challenge Extreme 6-Cock All Star Derby nitong Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Matapos masungkit ang unang panalo sa ikalawang laban ng 150-fight program ng one-day event, hindi natinag ang Mitra 56 hanggang sa huli upang magtapos na may 6 na panalo sa 6 na laban at maibulsa ang kampeonato sa huling 50 kalahok kabilang sa Thunderbird Winning Team at ng mga regional derby champions mula sa buong bansa.
Mula sa pamosong pamilya mula sa Palawan na tanyag sa pag-aalaga ng mga kampeong pangarerang kabayo at champion cockfighter, ang kasalukuyang Games and Amusement Board (GAB) Chairman ay muling nagbigay nang karangalan sa industriya na minahal din ng yumaong ama na si dating House Speaker Ramon Mitra.
Hindi maikaila ang tuwa ng kampiyon matapos na maipanalo ang huling laban sa Fight No. 129 kalaban ang Oliver Trainor ni Nestor Vendivil na noon ay meron ng 3.5 puntos. Kung si Vendivil ang nagwagi, nagkaroon sana siya ng pagkakataon na maiuwi ang korona.
“Siguro po, nandito ang aking ama para gabayan ang aming laban,” pahayag ni Mitra sa post-match interview.
Isa sa dalawang nagtatanggol na kampiyon mula sa 2018 Thunderbird Challenge, ipinahayag ni Baham na dalawa sa kanyang mga nilaban ay mga “winners” noong nakaraan taon, dalawa ay mga Mitra 56-Crowsland White crosses, ang isa ay Roligon-winner at ang huli ay isang hindi pa naungusan na 6 na taon-gulang na broodcock.
Sa kabuuan, ang tagumpay ng Mitra 56 ay pamamayani ng kakaibang estilo ng pakikipaglaban na nakapagbigay kalituhan sa mga nakatunggali, pagganti sa tamang pagkakataon at pagka-asintado sa bawat palo na pinapakawalan.
“Pa-champion na dehado pa din,” sambit ni Mitra.
Ang lahok ni Paolo Malvar na Skylight ay nabigo sa una nitong sultada, subalit, nalampasan ang lima pang pagsubok upang makuha ang solong runner-up honors kasama sina Bernie Tacoy (BGT GF), Evan Fernado (Erikka MOA MW) at sina Mayor Amben & Larry Amante/Melvin Monserrat/Neil (AA/LA Fantastic San Gabriel).
May tig-4 na panalo at 1 tabla ang mga lahok na 4 Super Basti Bacolod (Dennis de Asis), Oliver Trainor (Nestor Vendivil), Angry Birds Aklan (Lawrence Lu), Bebot GF Apache (Bebot Monsanto) at BBSY GF Dapitan (Bentoy Sy).
Nagsara na may tig-4 na puntos ang mga lahok na Crowsland (Laurence Wacnang), The Boss GF (Engr. Noel Llamedo), RBP Jaguar (Vice Mayor RBP), Arusip (Jong Diaz), MJ Ranzy (Franklin Cabiguen), Victoria (E. Ladores), Nilo Abellera Pagkakonsehal (Sammy Uy), Jan Joli (Dennis Sta. Maria) and ECT Aaliyah ni defending co-champion Vice Mayor-elect Engr. Expedito Taguibao ng Enrile, Cagayan.