May 21, 2026

Home BALITA National

'Daig n'yo pang init ng impyerno!' Rep. San Fernando, bumanat sa Meralco

'Daig n'yo pang init ng impyerno!' Rep. San Fernando, bumanat sa Meralco
Photo courtesy: Eli San Fernando (FB), MB FILE PHOTO

Bumuwelta si Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando sa Manila Electric Company (Meralco) dahil sa apela nitong mas higpitan at panagutin ang mga gustong magpakabit ng solar panel sa kanilang mga tahanan. 

Ayon sa inilabas na video statement ni San Fernando sa kaniyang Facebook account noong Biyernes, Mayo 8, 2026, sinabi niyang nakita raw kasi ng publiko kung gaano kamahal ang Meralco bills na binabayaran ng consumers. 

Aniya pa, marami din daw kasing charges na hindi maintindihan at maipaliwanag ng Meralco sa kanilang mga sinisingil sa consumers kaya mas pinipili na lang ng karamihan na magpakabit ng solar panel sa kanilang mga tahanan. 

Ani San Fernando, ang problema raw dito ay nais pang pahigpitan ng Meralco ang regulasyon sa pagpapakabit ng solar panel at panagutin ang mga hindi nagpapaalam o walang sapat na permit para sa pagpapakabit nila ng alternatibong solusyon para makatipid ng bayarin sa kuryente. 

“Ang problema, noong nakikita na ng Meralco na marami na ‘yong nagpapakabit ng solar ay biglang namang sasabihin ng Meralco na kailangan daw na mas higpitan ‘yong regulation sa pagpapakabit ng solar at panagutin ‘yong mga hindi nagpapaalam o walang kaukulang permit sa pagpapakabit ng solar,” buwelta ng mambabatas. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Kita n’yo ang kagaguhan ng kompanya na ito,” atake pa niya. 

Anang Kamanggagawa representative, ginagawa raw palusot ng Meralco ang dahilang para makaiwas sa sunod at problema sa electrical wirings na dapat daw ang Bureau of Fire Protection (BFP) at mga Local Government Unit (LGU) ang pumupuna sa ganitong mga alalahanin. 

“Ang palusot ng Meralco… para rin naman daw safety ng mga consumer. Para iwas sunog at iwas problema sa mga electrical wiring. Kung safety at safety lang ang pinag-uusapan natin, dapat ang unang solusyon ng Meralco ay ayusin ‘yong mga spaghetti wire. ‘Yong mga buhol-buhol ng kuryente na alam naman natin na pinagmumulan ng sunog at problema sa mga electrical wiring,” aniya. 

Kuwestiyon niya, “Hindi ba dapat Bureau of Fire Protection at saka mga LGU ang nagre-raise ng mga concern na ito?” 

Pagpapatuloy ni San Fernando, ganito raw kaganid ang mga pribadong kompanyang pagmamay-ari ng mga oligarko kagaya ni Manny Pangilinan

“Ganito katakaw at kaganid ang Meralco at ang oligarkong may-ari nito na si Manny Pangilinan na ayaw mawalan o mabawasan ng kita kaya pagdidiskitahan niya ay ‘yong mga ordinaryong Pilipino na humahanap ng paraan para mabawasan ‘yong kanilang gastusin,” diin niya. 

Paglilinaw niya, ganito raw talaga ang mangyayari sa lipunan kung hawak ng mga pribadong kompanya at oligarko ang mga key assets ng mamamayan kagaya ng tubig, kuryente, at iba pa. 

“Para sa Meralco at kay Manny Pangilinan, daig n’yo pa ang init ng impyerno sa kademonyohang ginagawa ninyo sa buhay ng mga manggagawa at ordinaryong Pilipino,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang pahayag, tugon, o reaksyon ang Meralco kaugnay sa nasaad na ito ni San Fernando. 

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Diokno, susuriin EPIRA at ERC kung magmamatigas ang Meralco!

KAUGNAY NA BALITA: 'Fake news si Meralco!' DSWD Sec. Gatchalian, pinagtanggol 4ps sa usapin ng electric bill