Apat na lalaki, na pawang tauhan ng isang towing company, ang inaresto sa entrapment operation nang tangkaing kikilan ang isang motorista sa Barangay Calumpang, Marikina City, nitong Martes.
Agad na inaresto ng mga tauhan ng Marikina City Police Station-Intelligence Branch, sa pangunguna nina P/Lt. Ramiel Soriano at P/Capt. Renato Samson, ang mga suspek na sina Gerry Lee, 46, ng Metal Gear Towing Services, ng Bgy. Poblacion, Teressa, Rizal; Randy De Leon, 39, towing truck driver, ng Bagong Silangan, Quezon City; Henry Navarro, 18, towing truck helper, ng Bagong Silangan, Quezon City; at George Rosing, 44, towing truck crew, ng Bgy. North Fairview, Quezon City, base sa reklamo ni Luis del Rosario.
Sa ulat ni Marikina City Police chief, P/Col. Redrico Maranan kay Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Christopher Tambungan, nadakip ang mga suspek sa Main Under Loop, Bgy. Calumpang, bandang 2:20 ng hapon.
Ayon kay Del Rosario, tinow ng mga suspek ang kanyang Mitsubishi Canter at tinawagan siya at sinabing isasauli ang kanyang sasakyan kapalit ng P6,500 at magkita sa Main Under Loop.
Lingid sa mga suspek na humingi na ng tulong ang biktima sa mga pulis at ikinasa ang entrapment operation.
Kakasuhan ang mga suspek ng Robbery Extortion.
-Mary Ann Santiago