TULUY-TULOY pa rin ang pababang data ng viewership ng local TV shows. Isa sa pangunahing dahilan ang accessible nang mas magagandang viewing fares o games mula sa iba’t ibang bansa sa tulong ng Internet.
Malakas pa rin ang Korean wave. Pero hindi lang naman ito sa Pilipinas nagaganap kundi maging sa buong mundo. Pawang world-class ang TV series na inilalabas ng Korea, maraming salamat sa pagpapaaral nila sa U.S. ng kanilang production at creative people.
Buong husay nilang natatalakay ang Korean culture, ang kanilang family values, at nagugustuhan ito ng worldwide audience.
Epekto ng mga koreanovela na tumatalakay ng Korean cuisine at lifestyle nila sa kabuuan ang pagkahumaling ng marami nating kababayan sa dumaraming Korean restaurants at specialty stores. Marami tayong mga kababayang bumibiyahe sa Korea na ang pinupuntahan ay ang magagandang lugar na itinampok sa kinahumalingang serye.
Matagal na tayong naihanda ng Amerika bilang market ng Hollywood, sumunod ang Japan na nag-export naman ng kanilang anime, pansamantala rin tayong nahumaling kay Thalia at sa iba pang TV series ng Latin American countries, at huli nga itong Korea na nahuhuli rin maging ang taste sa music ng kabataan natin.
Idagdag pa ang bagyo ring dating ng mga show sa Netflix at iba pang live streaming sites.
May pangmatagalang epekto sa local televiewers natin ang exposure sa mga de-kalidad na series, siyempre pang nababagot na silang manood sa local. Aminin man natin o hindi, ang sinumang nakasubok nang manood ng world-class show, maghahanap ng kaparehong production values.
Bunga nito, pababa rin ang kita ng TV networks, bagamat tumaas uli nitong nakaraang ilang linggo dahil sa pagdagsa ng placements ng mga kandidato. Pero hindi naman buwan-buwan ang eleksiyon.
Masdan sa mismong tahanan, hindi na nakukumpleto ang buong pamilya sa panonood ng primetime series. Hawak ang kanya-kanyang smart phones, may kanya-kanyang pinagkakaabalahan sa Internet ang mga bata.
Sa migration ng televiewers sa ibang platforms, unti-unti ring nababawasan ang fans ng ating mga artista. Mas kinababaliwan na nga actually ng teenage fans ang BTS at iba pang Korean bands kaysa alinmang local counterpart, kung meron man.
Isa rin ito sa mga dahilan ng kakaunti na ring pumapasok sa mga pelikulang lokal. Ang isa sa mga maaaring solusyon, gayahin ang Korean TV networks -- ipadala sa filmmaking schools sa U.S. ang kanilang production people.
-DINDO M. BALARES