Tatlumpu’t apat na katao, na binubuo ng 30 pasahero at apat na personnel ng Light Rail Transit Authority (LRTA), ang sugatan nang magbanggaan ang dalawang tren nito sa area ng Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Isinugod ang mga biktima sa World City Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, at Manila Medical Center.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), agad ding pinauwi ang 29 sa mga biktima nang matiyak na nasa maayos silang kondisyon habang nananatiling naka-confine ang limang iba pa hanggang nitong Linggo ng umaga.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LRTA Administrator Gen. Reynaldo Berroya na naganap ang aksidente sa pagitan ng Cubao Station at Anonas Station sa Quezon City, dakong 9:51 ng gabi.
Aniya, nakahimpil ang train set No. 13 sa pocket track sa pagitan ng nasabing dalawang istasyon dahil sira ito o tinatawag na "dead train", ngunit sa 'di pa batid na dahilan ay bigla itong umusad at pumasok sa riles kung saan dumaan ang bumibiyaheng train set No. 18, na papuntang Santolan, na naging sanhi ng banggaan at pagkasugat ng mga pasahero.
Paliwanag ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, ang pocket track ay emergency bay kung saan inilalagay ang mga sirang tren.
Plano ng LRTA na bigyan ng komendasyon ang driver ng tren, na hindi agad pinangalanan, dahil hindi nito iniwan at pinabayaan ang mga pasahero hanggat hindi pa dumarating ang tulong.
Pinayapa umano ng driver ang kalooban ng mga pasahero at pinayuhan na kumapit hanggang sa dumating ang tulong para sa kanila.
Nang maisugod naman sa mga ospital, agad na binisita ni Berroya, kasama sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan, ang mga biktima at tiniyak sa mga ito na sasagutin ng DOTr at ng LRTA ang kanilang mga medical bills, follow-up checkups at maging ang kanilang loss of income dahil sa insidente.
Ipinag-utosdrin ni Tugade ang pagbibigay ng pagkain at libreng shuttle sa pag-uwi sa mga nasugatang pasahero.
Kaugnay nito, agad ding ipinag-utos ni Berroya ang pagtatatag ng isang Fact-Finding Committee na tutukoy sa dahilan ng insidente.
Humingi ito ng paumanhin sa mga biktima dahil sa pangyayari.
"We apologize for this unfortunate incident and rest assured that LRTA will seriously look into it," ani Berroya.
Sa ganap na 10:47 ng umaga ngayong Linggo, naibalik sa normal ang operasyon ng LRT-2.
-Mary Ann Santiago at Fer Taboy