SA pamamagitan ni Jarvey Gayoso, nakapuwersa ng extra time ang Ateneo at nagawang gapiin ang kanilang archrival De La Salle,2-1, upang maangkin ang korona sa UAAP Season 81 men’s football tournament nitong Huwebes sa Rizal Memorial Track and Football Stadium.

AKSIYONG umaatikabo ang natunghayan sa final match ng La Salle at Ateneo sa UAAP men’s football na pinagwagihan ng Blue Eagles, sa pangunguna ni MVP Jarvey Gayoso (kaliwa). (RIO DELUVIO)

AKSIYONG umaatikabo ang natunghayan sa final match ng La Salle at Ateneo sa UAAP men’s football na pinagwagihan ng Blue Eagles, sa pangunguna ni MVP Jarvey Gayoso (kaliwa). (RIO DELUVIO)

Abot-kamay na lamang ng Green Archers ang inaasam na pagtapos sa kanilang 21-year title drought matapos umiskor ang rookie na si Mohammad Almohjili ng goal sa ika-78 minuto.

Ngunit kasunod nito, ipinakita ni Gayoso kung bakit siya ang season MVP at fourth straight Best Striker awardee nang itabla ang laban sa stoppage time na naghatid sa laban sa ekstrang 30 minuto.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Mula sa assist ni Luke Alleje, ipinasok ni Gayoso ang kanyang ika-12 goal ngayong season.

Mula roon, umiskor si Julian Roxas, isa sa tatlong graduating Ateneo players sa ika-100 minuto buhat sa cross pass ni Alleje na nagsilbing winning goal ng laro.

Ang titulo ang ikalawa ng Ateneo sa loob ng tatlong taon at ikawalo sa pangkalahatan.

Samantala, tinanghal naman si Blue Eagle goalie AJ Arcilla bilang Best Goalkeeper, habang nagwagi namang Rookie of the Year si Shanden Vergara ng Archers.

Napili naman ang mga kakampi ni Vergara na sina Yoshi Koizumi at Jed Diamante bilang Best Defender at Best Midfielder ayon sa pagkakasunod habang ibinigay naman sa University of Santo Tomas ang Fair Play award.

-Marivic Awitan