HANDA na si Filipino Romeo Duno na hablutin ang kanyang unang regional belt sa paglaban kay Mexican Juan Antonio Rodriguez para sa bakanteng WBO NABO lightweight belt sa Mayo 16 sa Fantasy Springs Casino, Indio, California sa United States.
Paglalabanan nila ang titulong nawala sa Filipino ring si two-time world title challenger Mercito Gesta na na-upset ni Rodriguez via 9th round TKO noong nakaraang Marso 21 sa The Avalon, Hollywood, California.
Maikokonsiderang knockout artist si Rodriguez na may kartadang 26 na knockouts sa 30 panalo at 7 talo at minsan nang nabigo via 11th round TKO sa world title bout nang hamunin si dating WBA super featherweight titlist Jezzrel Corrales ng Panama noong 2015.
Ngunit knockout artist din si Duno sa rekord na 19 panalo, 1 talo na may 15 pagwawagi sa knockouts at maganda ang rekord laban sa Mexican American boxers na pinagtatalo niya sa laban sa US tulad nina Christian Gonzalez (KO 2), Juan Pablo Sanchez (UD 8), Yardley Armenta Cruz (KO 1), Gilbert Gonzalez (UD 10) at Ezequiel Aviles (UD 8).
Natalo lamang si Duno sa kontrobersiyal na 10-round unanimous decision kay Russian Mikhail Alexeev nang minsang lumaban sa Ektarinburg, Russia para sa WBO Youth super featherweweight crown na tatlong Russian judges ang nagpasiyang ipanalo ang nabugbog na kalaban ng Pinoy boxer.
-Gilbert Espeña