TINANGHAL na kampeon sa katatapos na 5th OCBC Cycle Speedway 2019 Southeast Asian Championship ang Team Philippines na kinatawan ng mga riders ng Philippine Navy Standard Insurance kamakailan sa Singapore.

Inungusan ng mga Pinoy riders na pinangungunahan nina Jan Paul Morales, Ronald Oranza, Jhon Mark Camingao at John Mier ng 0.03 segundo lamang ang Malaysia sa finals para makamit ang kampeonato sa kanilang kategorya.

Siyam na koponan na hinati sa dalawang grupo ang naglaban sa qualifying race kung saan ang top two sa magakabilang grupo kasama ang mas mabilis na 3rd placer ang umusad sa semifinals.

Kasamang nag-kwalipika ng Team Philippines mula sa ikalawang grupo ang Vietnam habang nakapasok naman mula sa unang grupo ang Malaysia, Thailand at best third placer Cambodia.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Ang mga nalaglag na koponan ay ang Brunei, Myanmar, Laos at host Singapore.

Sa semis, bigong makausad ng finals ang Cambodia.

Naorasan ang mga Pinoy riders ng 19:19.550 upang tanghaling kampeon pagkaraang ungusan ang Team Malaysia (19:19.580) at Team Vietnam (19:20.483) na tumapos na pangalawa at pangatlo, ayon sa pagkakasunod.

Sa karera, ang bawat team na may tig-4 na siklista ay iikot ng kabuuang 10 laps na may tig isang kilometrong patag na ruta kung saan ang unang dalawang riders ay iikot ng limang beses bago ipasa ang baton sa huling dalawa kung saan kukunin ang winning time sa itinala nilang average.

“Hindi namin inaasahan ito kasi ang lalakas ng mga kalaban.Kaya masaya kami dahil na-achieve namin yung goal namin na mag-champion,” ayon sa tumayong kapitan ng koponan na si Mier.

Ayon pa kay Mier, nahirapan sila na pumedal ng matulin dahil lubhang madulas ang ruta dulot na naunang pagbuhos ng malakas na ulan bago simulan ang karera.

Sa unang mga rounds, sumesegunda lamang ang mga Pinoy sa nagpapalitan sa lideratong Thailand at Malaysia ngunit nalaglag sila sa ika-4 sa palitan ng baton.

Nakahabol sila sa ikapitong lap at doon na nakipaglaban ng husto sa Malaysia hanggang penultimate round, at inangkin ang titulo makaraang tumapos na first at fifth sa final lap ang kanilang dalawang riders.

-Marivic Awitan