Bigo si dating Pangulo at ngayon ay incumbent Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa hangad niyang ikatlo at huli sanang termino bilang alkalde ng lungsod, matapos siyang talunin ng dati niyang kaalyado at bise alkalde na si Isko Moreno.

[gallery size="medium" columns="2" ids="339295,339296"]

Habang isinusulat ang balitang ito, hinihintay pa ang proklamasyon kay Moreno—Francisco Domagoso ang tunay na pangalan—na batay sa partial at unofficial tally ng Commission on Elections (Comelec) bago mag-10:00 ng umaga ngayong Martes ay nakakuha ng 352,555 boto.

Tinalo ng 44-anyos na si Moreno, pinakabatang kandidato sa pagka-alkalde sa lungsod, ang dalawang malalaking pangalan sa pulitika, gaya ng 82-anyos na si Estrada, na may 207,030 boto; at si dating Manila Mayor Alfredo Lim, 89, na nakakuha naman ng 136,522 boto.

National

Eastern Police District, nakaantabay na sa pagbubukas ng klase sa June 16

Nang magtungo sa canvassing area sa San Andres Sports Complex kaninang madaling araw, nakapanayam ng mga mamamahayag si Moreno, na nagpahayag ng labis na kagalakan sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng mga Manileño.

“It’s a very humbling experience,” ani Moreno.

Tiniyak din ni Moreno na gagamitin niya ang kanyang sigla at enerhiya sa paglilingkod sa mga Manileño, at nangakong sa ilalim ng kanyang pamumuno ay makakaranas ang mga residente ng mas aktibong Maynila.

Bago pumalaot sa pulitika, si Moreno ay isang dating basurero, na sumikat nang mag-artista hanggang sa pasukin ang mundo ng serbisyo-publiko nang magkonsehal sa Maynila.

Nang kumandidatong bise alkalde noong 2013, nanalo si Moreno bilang running mate ni Estrada. Pinangakuan siya ni Estrada na ieendorso bilang susunod na alkalde ng Maynila, dahil isang termino lang umano ang hangad ng dating mayor ng San Juan City.

Gayunman, muling kumandidato si Estrada para sa ikalawang termino, habang sumubok namang makapasok sa Senado si Moreno, pero hindi siya nanalo.

Itinalaga si Moreno ni Pangulong Duterte bilang undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hanggang sa magbitiw sa tungkulin upang kumandidatong alkalde ng Maynila.

Dahil sa pagkapanalo ni Moreno, tuluyang nang natapos ang political career ni Estrada, na nagsimula noon pang 1969, nang mahalal itong mayor ng San Juan.

Labimpitong taong pinamunuan ni Estrada ang San Juan, at nang magsenador siya ay pinalitan siya sa Senado ng kanyang mga anak na sina Jinggoy Estrada at JV Ejercito.

Naging bise presidente rin si Estrada bago nahalal na Pangulo noong 1998, sa isang landslide victory.

Gayunman, hindi niya natapos ang kanyang anim na taong termino bilang presidente, matapos siyang mapatalsik sa puwesto at maipakulong dahil sa alegasyon ng pandarambong.

Pinagkalooban siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng pardon, at muli siyang kumandidato para makabalik sa Malacañang noong 2010, pero tinalo siya ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Dito na bumaling sa Maynila si Estrada, ngunit nitong Lunes ay hindi nga siya pinalad na makatatlong termino nang talunin siya ni Moreno.

Panalo rin para sa ikalawang termino ang running mate ni Moreno na si incumbent Vice Mayor Honey Lacuna.

-Mary Ann Santiago