Buzzer-beating ni Leonard nagpanalo sa Toronto, Portland, nakaisa sa Denver sa Game 7
TORONTO (AFP) — Humalik ang suwerte sa panig ng Toronto Raptors nang umawa ang buzzer-beating shot ni Kawhi Leonard sa harap ng depensa ni Joel Embiid para makaalpas ang Toronto Raptors sa pahirapang 92-90 panalo kontra Philadelphia 76ers nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Game Seven ng Eastern Conference semifinal series.
Naitabla ni Sixers guard Jimmy Butler ang iskor mula sa driving layup may 4.2 segundo ang nalalabi. Kaagad na ginamit ng Toronto ang nalalabing timeout para sa huling play na itinuon kay Leonard. Mula sa inbound, nag-dribble si Leonard sa kanang gilid ng court at itinira ang balatengang tira.
Tumalbog angbola sa ibabaw ng backboard,bago muling tumama sa rim ng tatlong beses bago nahulog kasabay ng buzzer, sapat para magtagbukan ang Raptors players at supporters sa gitna ng court para sa masayang pagdiriwang.
Umusad ang Raptors sa conference finals sa ikalawang pagkakataon sa nakalipas na apat na seasons. Makakaharap nila sa conference finals simula sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) ang Milwaukee Bucks, galing sa ‘gentlemen’s sweep’ kontra Boston Celtics (4-1).
Kumubra si Leonard ng 41 puntos mula sa 16-of-39 shooting, habang tumipa si Serge Ibaka ng 17 puntos at nag-ambag si Pascal Siakam ng 11 puntos at 11 rebounds. Nanguna si Embiid sa 76ers na may 21 puntos at 11 rebounds, habang nagsalansan sina JJ Redick ng 17 puntos, Butler na may 16 puntos at Tobias Harris na may 14 puntos at 10 rebounds.
Sa pinakahuli nilang sabak sa conference finals noong 2016, nagapi ang Toronto ng Cleveland Cavaliers ni LeBron James sa Game 6.
Nagtabla ang iskor sa 85 mula sa three-point play ni Redick may 3:29 ang nalalabi sa laro. Nagpalitan ngh sablay ang magkabilang grupo bago nakabutas si Leonard may 1:41 sa laro.
Sa opensa ng Philadelphia, naagaw ni Lowry ang bola at agad na naipasa kay Siakam para sa fast-break layup, at makuha ng Toronto ang 89-85 bentahe may 1:14 bago ang final buzzer.
BLAZERS 110, NUGGETS 96
Sa Denver, naisalba ng Portland TrailBlazers, sa pangunguna ni CJ McCollum na kumana ng 37 puntos, ang home court advantage at 17 puntos na bentahe sa first half ng Denver Nuggets para makausad sa Western Conference Finals sa unang pagkakataon mula noong 2000.
Nag-ambag si Evan Turner, nalimitahan sa apat na puntos sa Game 6, ng 14 puntos, tampok ang 10 sa final period.
Makakaharap ng Trail Blazers ang two-time defending NBA champion Golden State Warriors simula sa Martes (Miyerkules sa Manila) sa Game 1 sa Oakland, California.
Nakuha ni Turner ang rebound mual sa desperation 3-pointer ni Nikolai Jokic at agad na nagdribble sa center court para ubusin ang oras at magdiwang habang malungkot na nilisan ng crowd ang Pepsi Center.
Umabante ang Nuggets sa 39-22 at tila nagbabadya ang blowout win ng host team. Ngunit iba ang ihip ng hangin.
“There wasn’t going to be any quit,” pahayag ni Portland coach Terry Stotts. “I didn’t think they ever stopped believing. ... It was just about regrouping.”
Nakadikit ang Blazers sa 48-39 sa halftime at naghabol nalamang ng isang puntos sa pagsisimula ng fourth quarter.
Nakalulungkot ang sinapit ng Denver, liyamado sa playoff matapos tuldukan angh six-year playoff drought at kapangyarihan bilang No.2 seed sa Western Conference bracket.
“I’m not going to allow Game 7 loss to take away from a magical year,” sambit ni coach Mike Malone. “And it doesn’t feel that way right now but when I reflect, and when our players reflect, on what we were able to accomplish — hell of a year, couldn’t ask for anything more from our guys.”
Nanguna si Jokic sa Denver na may 29 puntos, habang kumana si Jamal Murray ng 14 puntos mula sa 4 of 18 sa floor.