HINDI pa man natatapos ang laban ng kanyang koponan sa UAAP Season 81 Women’s Volleyball finals, may naghihintay ng isang malaking laban para sa pambatong spiker ng University of Santo Tomas na si Sisi Rondina.
Si Rondina kasama ng kanyang kaparehang si Bernadeth Pons ang siyang mamumuno sa pagsabak ng Pilipinas sa darating na 2019 FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open sa Mayo 23 - 26.
Ang pareha nina Rondina at Pons kasama ng apat pang local pairs sa women’s division at tatlo naman sa men’s division ang nakatakdang maging kinatawan ng bansa sa 1-star tournament na ikalawang sunod na prestihiyosong beach volleyball competition na gaganapin sa bansa kasunod ng nakaraang taong Manila edition.
Ang reigning UAAP Season 81 womens volleyball MVP at 4 time UAAP beach volleyball champion at MVP na si Rondina ay naglaro na noong isang taon katuwang Dzi Gervacio.Umabot sila ng quarterfinals kung saan tinalo sila ng Japanese duo nina Shinako Tanaka at Sakurako Fuji.
Sina Rondina at Pons,ang back-to-back Philippine Superliga’s Challenge Cup champions.
Kasama nilang kakatawan sa bansa ang tambalan nina Bea Tan at Floremel Rodriguez, Jackielyn Estoquia at DM Demontano, Patty Orendain at Fiola Ceballos at ang UST tandem nina Babylove Barbon at Gen Eslapor.
Makakalaban nila ang tatlong koponan mula Japan, tig-dalawang pares mula Russia, Singapore, Slovenia at Thailand at tig-isang pares mula Australia, Israel, Lithuania at Malaysia.
Magiging kinatawan naman ng bansa sa kalalakihan ang tambalan nina Ranran Abdilla at Jessie Lopez , James Buytrago at Anthony Albastro at ang pares nina Mike Abria at Jade Becaldo sa 33-team field mula sa kabuuang 15 bansa.
-Marivic Awitan